top of page

Middle class, pasok sa zero balance billing — PBBM

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 28
  • 2 min read

ni Mylene Alfonso @News | January 28, 2026



File Photo: FB - Pangulong Bongbong Marcos sa zero balance billing



Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagpapalawak ng zero balance billing program upang masiguro na hindi lamang ang mga mahihirap kundi maging ang mga nagbabayad ng kontribusyon na mula sa middle class ay ganap na makikinabang sa serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan.


Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ang naturang hakbang ni Pangulong Marcos ay pagpapatunay sa matibay na paninindigan ng kanyang administrasyon na maghatid ng abot-kaya, accessible, at patas na serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.


“Alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na pangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino, nakipag-ugnayan si Executive Secretary Ralph Recto sa pamunuan ng DOH at PhilHealth upang palawigin ang mga benepisyo ng programa at mapangalagaan maging ang mga contributors mula sa middle class,” pahayag ni Castro sa press briefing sa Palasyo.


Titiyakin ng pinalawak na zero balance billing na mas mararamdaman ng mga miyembro ng PhilHealth ang direktang benepisyo ng kanilang mga binabayad na premium contributions.


“Makakaasa pa sa mas maayos at mas accessible na healthcare ang mga nagbabayad ng kanilang premium sa PhilHealth,” ani Castro.


“Sa ilalim ng bagong direktiba ng Pangulo, layunin ng pamahalaan na mas maramdaman ng taumbayan ang mga serbisyong nagmumula sa mga buwis na kanilang binabayaran,” patuloy ni Castro.


Ayon pa sa Malacañang, nasa huling yugto na ang DOH ng pagsasaayos ng healthcare provider network (HPN) model, na layuning palakasin ang kakayahan ng mga local government unit (LGU) na magbigay ng mas mataas na kalidad ng serbisyong medikal sa buong bansa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page