ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | July 14, 2025
Photo: FP
Dear Doc Erwin,
Ako ay isang ama ng tahanan, 45 years old, at may tatlong anak. Sa nakaraang dalawang taon ay regular akong nagpapa-check ng aking blood sugar, at ayon sa doktor ito ay unti-unting tumataas. Pinayuhan ako ng doktor na mag-exercise, iwasan o bawasan ang mga pagkain at inumin na mataas ang sugar content katulad ng softdrinks, at matatamis na pagkain.
Kumonsulta rin ako sa isang eksperto sa alternative medicine tungkol sa pagtaas ng aking blood sugar. Dahil ako ay palaging puyat, pinayuhan ako ng doktor na gawing regular ang pagtulog ng maaga. Ayon sa kanya, nakakataas ng blood sugar ang pagpupuyat. Iminungkahi rin niya na ako ay regular na uminom ng Berberine supplement. Makakatulong daw ito upang bumaba ang aking blood sugar.
Nais ko sanang malaman kung ano ang Berberine at kung ito ba ay makakatulong na pababain ang aking blood sugar? May mga research studies na ba na nagpapakita ng bisa ng Berberine laban sa mataas na blood sugar o diabetes? May iba pa bang health benefits ang Berberine?
Sa aking pagbabasa ng regular ng BULGAR newspaper at ng inyong column na Sabi ni Doc ay natutunan ko ang mga bagong kaalaman tungkol sa mga natural remedies at ang pag-iwas sa sakit. Sana ay matugunan n’yo ang aking mga katanungan. — Napoleon
Maraming salamat Napoleon sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Malaki ang maitutulong ng mga payo ng inyong doktor upang bumaba ang inyong blood sugar. Ang pag-e-exercise at pagkain ng tama, katulad ng pag-iwas sa mga pagkain at inumin na mataas ang sugar content ay magpapababa ng inyong blood sugar.
Makakababa rin ng blood sugar ang pagtulog ng maaga at sapat na oras ng pagtulog. Ayon sa isang research article sa Journal of Applied Physiology na nailathala noong November 2005, ang kakulangan ng pagtulog o pagpupuyat ay risk factor sa pagtaas ng insulin resistance at Type 2 diabetes. Konektado rin ito sa pag-develop ng obesity, ayon sa study na ito na pinangunahan ni Dr. Karine Spiegel mula sa Université Libre de Bruxelles sa bansang Belgium.
Sa isang review article sa scientific journal Biomedicine & Pharmacotherapy na nailathala noong January 2021, kinilala ang Berberine bilang isang uri ng natural chemical compound na makikita sa ilang mga medicinal plants katulad ng Coptis chinensis, Berberis vulgaris at Berberis aristata. Sa loob ng nakaraang 3,000 taon ginagamit bilang gamot ang Berberine ng Ayurvedic medicine ng India at ng traditional Chinese medicine. Ginagamit itong gamot sa impeksyon ng tenga, mata at bibig, sa iba’t ibang uri ng sugat, hemorrhoids, indigestion, dysentery, at mga intestinal parasites. Ngunit sa mga bagong research studies, ang Berberine ay nakitaan na epektibo bilang nagpapababa ng blood sugar, panlaban sa obesity, proteksyon sa atay (liver) at may anti-inflammatory activities din ito.
Sa review article na nabanggit ay idinetalye nito ang epekto ng Berberine laban sa blood sugar. Sa iba’t ibang mga research studies, napag-alaman na ang Berberine ay nagpapalakas ng secretion ng insulin at pinapababa nito ang insulin resistance. Ang dalawang epekto na nabanggit ay parehong nakakababa ng blood sugar.
May iba pang mekanismo ang Berberine upang pababain ang blood sugar. Pinapababa rin ng Berberine ang kapasidad ng ating katawan na bumuo ng glucose (gluconeogenesis) at pinapalakas ang kakayanan ng ating katawan na gamitin ang blood sugar (glucose uptake).
Bukod sa mga epekto ng Berberine na nabanggit, may iba pang health benefits ito. Inilahad din ng nabanggit na review article kung paano nilalabanan ng Berberine ang obesity, gout, fatty liver at hyperlipidemia.
Sa mga susunod na artikulo ng Sabi ni Doc ay ibabahagi natin kung paano pa makakatulong ang Berberine laban sa ibang mga sakit.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y patuloy na bumuti ang iyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com