Mga undocumented OFWs, hindi iiwanan sa mga programa ng gobyerno
- BULGAR

- Apr 14
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 14, 2026

Simula noong sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Israel, Estados Unidos, at Iran, tinutukan ng ating pamahalaan ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Gitnang Silangan.
Binigyang-diin natin na kung magpapatuloy ang digmaan sa Middle East, maaaring tumaas ang bilang ng mga kababayan nating walang trabaho o kaya naman ay underemployed, lalo na kung patuloy na lilikas ang ating mga kababayan.
Noong inilabas natin ang preliminary report ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee, iminungkahi natin ang mas matatag na reintegration program para sa ating mga kababayan, bagay na magtutulay sa kanila sa mga bagong oportunidad upang patuloy na makapag-hanapbuhay.
Upang lalo pang mapatatag ang suporta para sa reintegration ng ating mga kababayang OFW, isinusulong ng inyong lingkod ang pagsasabatas ng Bagong Balikbayan Act (Senate Bill No. 1110).
Layon ng naturang panukala na magtatag ng komprehensibong integration program na tutugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan, hindi lamang pagdating sa trabaho, kundi pati na rin sa aspetong psychosocial, at iba pa, para sa kanilang pagbabalik.
Sa ilalim ng ating panukala, magsisimula ang proseso ng reintegration ng mga OFW anim na buwan bago ang balak nilang pagbabalik sa ating bansa. May apat na landas na tinatahak ang panukala nating reintegration: una ang kaalaman na saklaw ang edukasyon, upskilling, reskilling, retooling, at micro-credentialing; pangalawa ang kalinga na saklaw ang psychosocial at support services; pangatlo ang negosyo o entrepreneurship; at pang-apat ang hanapbuhay o employment.
Isinusulong din natin sa ilalim ng panukalang batas ang iba’t ibang mga programa at serbisyo sa ibat’ibang yugto ng reintegration program. Sa pre-departure, halimbawa, iminumungkahi natin ang mga programang may kinalaman sa financial literacy at family counseling.
Sa kanilang bansang pinagtatrabahuhan, isinusulong natin ang mga oportunidad para sa patuloy na skills development at training, gayundin para sa mga programang nagbibigay proteksyon mula sa ano mang uri ng pang-aabuso at karahasan. Sa kanila namang pagbabalik, nais nating tiyakin na makakatanggap sila ng reintegration counseling, economic reintegration assistance para sa paghahanap ng trabaho, pagsasanay o training para sa pagnenegosyo, access sa financing at iba.
Hindi rin natin ipagkakait ang mga serbisyong ito sa ating mga OFWs kahit sila ay undocumented. Sa kanilang pagbabalik, tutulungan natin silang maging rehistrado at regular upang mas maabot nila ang mga programa at serbisyo ng ating pamahalaan.
Ilan lamang ito sa mga iminumungkahi nating mga programa at serbisyo para sa ating mga kababayang OFWs. Sa ating mga kababayang apektado ng krisis sa Gitnang Silangan, makakaasa kayong patuloy naming tututukan ang inyong kaligtasan at kapakanan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments