Mga tamang pagkain at lifestyle para labanan ang sakit sa puso
- BULGAR

- Apr 11
- 3 min read
ni PAO Deputy Chief Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | April 11, 2026

Dear Doc Erwin,
Magandang araw po! Ako si Dolores, 47 taong gulang, at kasalukuyang nasa yugto ng papalapit na menopause ayon sa aking doktor dahil sa nararanasan kong hot flashes. Dahil dito, nag-aalala po ako sa aking kalusugan, lalo na’t may lahi kami ng sakit sa puso at stroke sa pamilya.
Sa ngayon ay wala pa akong iniinom na maintenance na gamot at sa tuwing ako ay nagpapatingin sa health center ay maayos naman po ang aking blood pressure at normal ang blood sugar, ngunit hindi ko pa rin maiwasang mag-alala dahil sa aking edad at family history.
Nais ko pong malaman kung paano ko maiiwasan ang sakit sa puso, kung ano ang mga pagkain na dapat sundin o lifestyle na dapat baguhin, kailan dapat magsimulang mag-maintenance kung kinakailangan, at kung may mga supplements na makatutulong sa akin? Maraming salamat po at umaasa ako sa inyong gabay upang mapanatili ang aking kalusugan.
— Dolores
Maraming salamat sa iyong liham Dolores, at sa patuloy mong pagtangkilik at pagbabasa ng “Sabi ni Doc” sa BULGAR newspaper.
Nauunawaan ko ang iyong pag-aalala lalo na’t papalapit ka na sa menopause at may family history ng sakit sa puso at stroke. Ang mga sakit sa puso at sa daluyan ng dugo ang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa buong mundo. Ang coronary heart disease (CHD) ay isang karaniwang kondisyon kung saan sumisikip ang mga ugat ng puso at nahaharangan ang daloy ng dugo, at isa ito sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay at kapansanan sa Pilipinas. Kaya mahalaga ang tamang kaalaman, maagang pag-iwas, at pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan upang mabawasan ang epekto nito sa bansa, ayon sa Journal of Asian Health noong 2025.
Ayon sa European Society of Cardiology (2024), ang menopause ay isang hindi maiiwasang salik na nagpapataas ng panganib ng sakit sa puso, kaya mahalaga ang maagang interbensyon at malusog na pamumuhay. Kaugnay nito, binibigyang-diin ng Philippine Heart Association – Council on Women’s Cardiovascular Health (2021) ang kahalagahan ng maagang pagsusuri ng risk factors sa kababaihang edad 30 pataas, kabilang ang presyon ng dugo, cholesterol, diabetes, lifestyle, at kasaysayang medikal. Dagdag pa rito, ayon kay Mercado-Asis (2025), tumataas ang kaso ng mataas na presyon sa panahon ng menopause dahil sa pagbaba ng estrogen, kaya mahalagang mapanatili ang presyon ng dugo sa humigit-kumulang 130/80 sa pamamagitan ng tamang pamumuhay at, kung kinakailangan ng gamot.
Ayon sa Journal of Public Health (2024), ang pagtaas ng kaso ng sakit sa puso sa Pilipinas ay dulot ng iba’t ibang kadahilanan, kung saan ang mataas na presyon ng dugo ang pinakakaraniwan at pangunahing sanhi. Ito ay kondisyon kung saan mataas ang puwersa ng dugo sa mga ugat at maaaring makasira sa puso kung hindi makontrol. Kasama rin sa mga panganib ang hindi masustansiyang pagkain, paninigarilyo, kakulangan sa pisikal na aktibidad, labis na timbang, stress, at pagkakalantad sa polusyon sa hangin. Ang mga ito ay maaaring uriin bilang hindi nababago at nababago, at sa kabuuan, mas tumataas ang panganib kapag mas marami ang risk factors, lalo na kung hindi ito makokontrol sa pamamagitan ng tamang pamumuhay.
Ang diagnosis o pagsusuri ng sakit sa puso ay ginagawa sa pamamagitan ng pagsuri ng blood pressure, cholesterol, at blood sugar, pati na rin ang pagtingin sa medical history at lifestyle, at maaaring samahan ng mga test tulad ng ECG at iba pang laboratoryo.
Upang maiwasan ang sakit sa puso, mahalagang sundin ang balanseng pagkain at malusog na pamumuhay. Dapat kumain ng mas maraming gulay, prutas, isda, at whole grains, habang iniiwasan ang matataba, mamantika, maalat, at matatamis na pagkain. Kasabay nito, mahalaga ang regular na ehersisyo, sapat na tulog, pag-iwas sa paninigarilyo, at pagkontrol ng stress. Inirerekomenda rin ang regular na pagpapatingin sa doktor, lalo na kung may risk factors tulad ng mataas na presyon ng dugo, diabetes, o mataas na cholesterol, upang maagapan ang posibleng komplikasyon tulad ng sakit sa puso.
Ang pag-inom ng maintenance na gamot o supplements ay dapat lamang gawin sa payo ng doktor at hindi pamalit sa tamang nutrisyon at healthy lifestyle. Bilang payo, inirerekomenda ang regular na pagpapatingin sa doktor at pagsunod sa mga rekomendasyon nito.
Mahalaga ring malaman ang mga maagang senyales ng atake sa puso tulad ng pananakit o paninikip ng dibdib, pananakit na kumakalat sa braso, leeg o panga, hirap sa paghinga, pagpapawis, pagkahilo, at pagduduwal. Agad na magpatingin sa doktor kung maranasan ang mga ito upang maiwasan ang seryosong komplikasyon. (Dr. Eunice Anne G. Garcia, RPh, MD, CCS)
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com





Comments