top of page

Mga senador, sa taumbayan dapat ang loyalty, hindi sa pamilya Duterte

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 5, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KAPAG NAGKA-CHA-CHA, DAPAT ISAMA SA IMPEACHMENT ANG MGA OPISYAL NA DURUGISTA – Isa sa mga alegasyong nakapaloob sa impeachment complaint na inihain ni Atty. Andre De Jesus laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ay ang umano’y paggamit nito ng ilegal na droga. Ibinatay ang paratang sa naunang pahayag ni Sen. Imee Marcos, kung saan inakusahan niya ang sariling kapatid na isang drug addict.


Gayunman, sa pagdinig ng House Justice Committee, iginiit ni ML Party-list Rep. Leila de Lima na ang pagiging lulong sa droga ay hindi kabilang sa mga itinatakdang batayan ng impeachment sa ilalim ng Konstitusyon.


Totoo nga na walang malinaw na probisyon sa Saligang Batas na nagsasaad na maaaring i-impeach ang isang opisyal ng pamahalaan dahil sa pagkalulong sa droga. Subalit kung sakaling isulong ang Charter Change o Cha-Cha, nararapat lamang na isaalang-alang ang pagdaragdag ng ganitong probisyon—upang pahintulutang mapatalsik sa puwesto ang mga opisyal na sangkot sa ilegal na droga. Hindi katanggap-tanggap sa publiko na ang mga namumuno sa pamahalaan ay sangkot sa ganitong uri ng gawain. Boom!


XXX


SENADOR, DAPAT SA TAUMBAYAN ANG LOYALTY HINDI SA PAMILYA DUTERTE – Matapos muling magsampa ng mga impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Senate President Tito Sotto na agad aaksyunan ng Senado ang anumang Articles of Impeachment na maisusumite, kabilang ang mga kasong maaaring ihain laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at VP Duterte, sakaling umupo ang Senado bilang impeachment court.


Kaugnay nito, sa isang media interview, sinabi ni Sen. Robinhood Padilla na sinusuportahan niya ang pagpapalit ng liderato sa Senado—o maging ang pagpapatalsik kay Senate President Sotto—kung ang papalit ay isang senate president na pro-Duterte.


Dahil sa pahayag na ito ni Sen. Padilla, nawa’y magkatotoo ang sinabi ng kanyang misis na si Mariel Rodriguez na hindi na siya tatakbo sa pagka-senador sa 2028 elections. Sa huli, ang tunay na tungkulin ng isang nanunungkulang senador ay ang maging tapat sa taumbayan—hindi sa alinmang pamilya o personalidad sa pulitika. Period!


XXX


NAPURI NA NGA ANG SENADO, NA-BASH PA ULI – Kumalat sa social media ang partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson. Sa ulat na ito, inirekomenda ang pagsasampa ng mga kasong plunder, malversation of public funds, graft, at bribery laban sa mga sangkot sa umano’y flood control scandal. Kabilang daw sa mga inirekomendahang kasuhan ay sina Senators Chiz Escudero, Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, at dating Sen. Bong Revilla.


Dahil dito, umani ng papuri sa social media ang Senado sapagkat ipinakita nitong handa itong papanagutin kahit ang mga kasalukuyang senador na sangkot sa kontrobersiya. Gayunman, panandalian lamang ang papuring ito matapos lumabas ang balitang binawi nina Senators Migs Zubiri, Win Gatchalian, at JV Ejercito ang kanilang mga lagda sa rekomendasyong magsampa ng kaso laban sa mga nasangkot.

Dahil sa pagbawi ng kanilang mga pirma, muling binatikos ang Senado, dahil lumalabas na tila may pagsisikap na protektahan ang mga kapwa senador na nadawit sa flood control scam. Sa halip na panindigan ang pananagutan, nanaig muli ang politika. Tsk!


XXX


PRODUKTONG PAGKAIN AT LPG NA GAMIT SA PAGLUTO NG TSIBOG, TINAASAN PA ANG PRESYO – Muling binabatikos sa social media ang Marcos administration matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang P1.50 na dagdag-presyo kada kilo ng liquefied petroleum gas (LPG), na ipinatupad nitong nakalipas na Lunes, Pebrero 2.


May sapat na dahilan ang publiko upang punahin ang hakbang na ito ng gobyerno. Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ang mga pangunahing pagkain, nadagdagan pa ang gastusin sa pang-araw-araw na pagluluto. Para sa maraming mamamayan, isa na naman itong mabigat na pasanin sa gitna ng patuloy na pagtaas ng halaga ng pamumuhay. Boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page