Mga sangkot sa korupsiyon, nagkakasakit ‘pag aarestuhin na, kapalmuks!
- BULGAR

- 19 minutes ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 9, 2026

DAPAT HUMARAP SI VP SARA SA IMPEACHMENT TRIAL AT KAPAG NAPATUNAYAN NIYANG WALA SIYANG IN-SCAM, MALAMANG MAGSISISIHAN ANG MGA NASA PROSECUTION PANEL KUNG BAKIT IPINATAWAG PA NILA SA IMPEACHMENT COURT ANG BISE PRESIDENTE — Hindi na ipinaharap ng House Prosecution Panel ang mga nalalabi pa nilang testigo sa impeachment trial na may kinalaman sa confidential funds ni Vice Pres. Sara Duterte, at sa halip ay inihirit ng prosekusyon kay Presiding Judge Chiz Escudero na padalhan ng subpoena ang Bise Presidente para ito na ang isalang sa susunod na impeachment hearing.
Dapat dumalo si VP Sara sakaling padalhan siya ng subpoena para maipaliwanag ang isyu tungkol sa kanyang confidential funds, at kapag naipaliwanag niya nang maayos at napatunayan na hindi niya in-scam ang perang ito (confi funds) ng bayan, ang malamang na mangyari ay magsisihan ang mga nasa prosecution panel kung bakit inihirit pa nilang isalang sa impeachment trial ang Bise Presidente, period!
XXX
CONG. ROMUALDEZ 'NAGSAKIT-SAKITAN' DAW AT PATUNAY RAW ‘YAN NA ANG MGA KURAKOT KAPAG NILABASAN NG WARRANT OF ARREST AY ‘NAGKAKASAKIT’ — Bago ilabas ang arrest order ng Sandiganbayan patungkol sa kaso niyang plunder na may kaugnayan sa flood control scam, ay agad nagtungo si Leyte 1st District Rep., former Speaker Martin Romualdez sa private hospital na Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City, at nagpa-confine rito dahil siya raw ay mayroong sakit, at dahil dito ay sa nasabing ospital na inihain ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban sa kanya.
Ganyan daw talaga ang mga korup sa Pilipinas, kapag nilalabasan ng no-bail na warrant of arrest, mga “nagsasakit-sakitan,” boom!
XXX
MALAMANG TULARAN NG MAG-INANG SEN. LOREN AT CONG. LEVISTE ANG HUSAY NI ZALDY CO SA ‘PAKIKIPAG-TAGUAN PONG’ SA MGA AWTORIDAD — Inanunsyo ni Ombudsman Boying Remulla na “big fish” daw sa corruption sa isyung P10 billion “ghost electricity” ang mag-inang Sen. Loren Legarda at Batangas 1st Dist. Rep. Leandro Leviste.
At dahil nga inihahanda na ng Office of the Ombudsman ang kasong plunder sa mag-inang Sen. Loren at Cong. Leviste ay asahan na ni Ombudsman Remulla na kapag naglabas sa kanila ng warrant of arrest ang Sandiganbayan, ay huhusayan pa ng mag-inang ito ang “pakikipag-taguan pong” sa mga awtoridad, tulad ng ginawa ni former Cong. Zaldy Co sa Marcos admin, period!
XXX
WALA RAW PUWANG SA CUSTOMS ANG SMUGGLING, PERO NAGKALAT SA KALSADA AT ONLINE ANG MGA IBINEBENTANG SMUGGLED NA ‘UKAY-UKAY’ — Ang used clothes (ukay-ukay) na mula sa ibang bansa ay kabilang sa mga ipinagbabawal na ipasok sa Pilipinas sa kadahilanang baka ang mga ito ay may virus, pero kapuna-puna na nagkalat sa kalsada at maging sa online ang mga nagbebenta ng “ukay-ukay”.
Patunay raw ‘yan na pabida lang ni Comm. Ariel Nepomuceno ang sinabi niyang walang puwang sa Customs ang smuggling, kasi sa totoo lang, kung matindi ang anti-smuggling campaign sa Aduana, ay itong mga smuggled “ukay-ukay” nina “Gerry T.,” “Joel T,” “Tina U,” “Big Mama” at “Kimberly Gang” ay hindi kakalat sa buong bansa, boom!





Comments