Mga reklamong impeachment kay PBBM ibinasura, patunay lang ng “ningas-kugon” sa Kamara
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 6, 2026

2 IMPEACHMENT COMPLAINTS KAY PBBM, IBINASURA NG KAMARA AT PATUNAY ITO NA 'NINGAS-KUGON' LANG ANG MGA KASONG ISINAMPA SA PRESIDENTE – Ibinasura na ng House Justice Committee ang dalawang impeachment complaint na isinampa laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Patunay ito na ang mga reklamong inihain nina Atty. Andre de Jesus at ng Makabayan bloc ay maituturing na ningas-kugon lamang—isang hakbang para maipakitang hindi lang si Vice President Sara Duterte-Carpio ang target ng impeachment kundi pati ang pangulo. Sa huli, malinaw na absuwelto na si Pangulong Marcos, habang nananatiling hindi pa ligtas sa banta ng impeachment ang bise presidente. Period!
XXX
MGA ANTI-DUTERTE, ‘WAG UMASA NA HAHARAPIN NI VP SARA ANG BAGONG IMPEACHMENT SA KANYA, KASI PUWEDE ULI ITONG MAGPASAKLOLO SA SC – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na handa raw siyang harapin ang mga impeachment complaint na isinampa laban sa kanya sa Kamara.
Ngunit hindi ito ang unang pagkakataon na binigkas ng bise presidente ang ganitong pahayag. Noong Disyembre 2, 4, at 19, 2024, gayundin noong Pebrero 5, 2025, pareho rin ang kanyang sinabi—na haharapin niya ang mga nag-impeach sa kanya. Sa halip na sumalang sa proseso ng Kamara, dumulog siya sa Supreme Court. Kalaunan, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang mga isinampang reklamo, dahilan upang ipatigil ang impeachment proceedings at hindi na umusad sa impeachment trial.
Ang punto: huwag umasa ang Kamara, gayundin ang Senado, na haharap nga si VP Sara sa mga kasalukuyang impeachment complaint. Malaki ang posibilidad na muli siyang dumulog sa Supreme Court upang pigilan ang proseso. At kung muling papanigan ng Korte Suprema, panibagong paghinto na naman ng impeachment ang mangyayari—kasunod ang panibagong ingay ng mga kontra-Duterte. Boom!
XXX
KAMARA, KAPAG INATAKE ULI NI CONG. KIKO BARZAGA, TIYAK SISIBAKIN NA SIYA SA PAGIGING KONGRESISTA – Sa ikalawang pagkakataon, muling sinuspinde ng Kamara ng 60 araw si Cavite 1st District Rep. Kiko Barzaga dahil sa kanyang mga social media post na may kaugnayan sa patuloy na pag-atake sa House of Representatives.
Kung ipagpapatuloy pa ni Cong. Barzaga ang mga pag-atakeng ito, asahan niyang posibleng humantong sa mas mabigat na parusa, kabilang ang tuluyang pagsibak sa kanya bilang kongresista. Abangan!
XXX
MGA ARI-ARIAN NG MGA KURAKOT, MABAWI NA SANA PARA PANDAGDAG-BAYAD SA UTANG NG PHILIPPINE GOV'T. – Inanunsyo ng Bureau of the Treasury (BTr) na umabot na sa P17.71 trilyon ang utang ng Philippine government sa iba't ibang financial institutions sa buong mundo.
Malaking bahagi ng utang na ito ang napunta sa bulsa ng mga kurakot sa gobyerno. Sana ay may mabuo nang batas na magbibigay-daan upang agarang kumpiskahin ang lahat ng ari-arian ng mga tiwaling opisyal at ipagamit ito sa pagbabayad ng utang ng bansa. Period!








Comments