Mga Pinoy dismayado kay PBBM, pangako sa flood scam, napako!
- BULGAR

- 7 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 18, 2026

DAHIL SA KRISIS SA LANGIS, ISINAKRIPISYO NI VG ALEX CASTRO ANG KANYANG SUWELDO, IPANGTUTULONG SA MGA MAGSASAKA, MANGINGISDA AT TRANSPORT WORKERS SA BULACAN – Isinakripisyo ni Bulacan Vice Gov. Alex Castro ang kanyang suweldo upang ipangtulong sa mga magsasaka, mangingisda at transport workers na naapektuhan ng krisis sa krudo dulot ng digmaan sa Middle East.
Patunay ito na isa siyang mabuting lingkod-bayan na may tunay na malasakit sa kanyang mga kababayan, dahil maging ang sarili niyang suweldo ay handa niyang ialay upang makatulong sa mga nangangailangan.
Mas kahanga-hanga pa rito, aprub din sa kanyang misis na si Sunshine ang ginawang hakbang ng bise gobernador. Palakpakan naman d'yan!
XXX
MGA NAG-AAKUSA SA KANYA DEDEDMAHIN NA NAMAN NI VP SARA, TILA MAGPAPASAKLOLO NA NAMAN SA SC PARA IPA-STOP ANG IMPEACHMENT SA KANYA – Sa isinumiteng kasagutan ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa House Committee on Justice hinggil sa dalawang impeachment complaints na isinampa laban sa kanya, walang malinaw na tugon sa mga paratang laban sa bise presidente. Sa halip, muling iginiit ang isyu ng paglabag umano sa due process.
Ayon sa kanyang kampo, hindi raw naging patas ang naging pagtrato ng Kamara sa impeachment laban kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. (PBBM) kumpara sa bise presidente. Iginiit din nilang kulang umano sa facts o detalye ang mga akusasyon laban sa ikalawang pangulo.
Sa ganitong tono ng kanilang tugon, tila ipinapakita ng kampo ni VP Sara na hindi nito direktang sasagutin ang mga paratang laban sa kanya. Indikasyon din ito na maaari siyang muling dumulog sa Supreme Court (SC) upang ipatigil ang impeachment proceedings laban sa kanya. Boom!
XXX
NAPAKO KASI PANGAKO NI PBBM NA BAGO MAG-PASKO, MAY MAKUKULONG NA MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL KAYA RESULTA NITO, HALOS 50% NG MGA PINOY AY DISMAYADO SA KANYANG PERFORMANCE – Sa latest survey ng Pulse Asia, 44% o halos kalahati ng mga Pinoy ang dismayado sa performance ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. (PBBM).
Hindi naman talaga kataka-taka na ganyan karaming Pinoy ang dismayado sa performance ni PBBM kasi nga napako pangako niya noon na bago mag-Pasko (Dec. 25, 2025) ay may mga makukulong na mga politicians na sangkot sa flood control scandal, pero March 2026 na, wala pa rin nakukulong na incumbent senators and congressmen na sabit sa anomalya, ang nakakulong pa lang ay ex-senator na si Bong Revilla. Tsk!
XXX
MGA 'TONGPATS' COLLECTOR SA CALABARZON, DAPAT GAMITAN NA NI GEN. MARANTAN NG KAMAY NA BAKAL – Kahit si Brig. Gen. Hansel Marantan na ang bagong Regional Director (RD) ng PNP Region 4-A, hindi pa rin daw tumitigil ang protection raket ng mga “tongpats” collector sa CALABARZON.
Dahil patuloy ang kanilang operasyon, nararapat nang gamitan ni Gen. Marantan ng kamay na bakal ang mga sangkot sa protection racket sa rehiyon. Dapat na niyang ipaaresto ang mga umano’y “tongpats” collector na sina alyas “Tsan Parak,” “Obet,” “Adlawan,” “Dimapeles,” “Rico,” “Jong,” “Hero,” “Minong,” “Kevin,” “Ady,” “Milan,” “Sandoval,” “Marcial,” “Jak,” “Jame,” at “Panganiban.” Period!




Comments