top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 3, 2025



Fr. Robert Reyes


Matagal-tagal nang patay si Dok Gerry Ortega (January 24, 2011). Kung buhay pa sana ang magiting na beterinaryo, 62-anyos na siya. Ngunit pinili ni Dok Gerry ang buhay na may paninindigan kaysa ang mga magagandang pagkakataong umunlad at yumaman gamit ang kanyang karunungan at kakayahan. 


Nasa 14 na taon na ang lumipas mula nang barilin at mapatay si Dok Gerry sa isang ukay-ukay na kalapit ng kanyang veterinarian clinic na pinatatakbo ng mahal na asawa. Matagal bago nahuli ang pinaghihinalaang mastermind ng pagpatay kay Dok Gerry. Nang nahuli ito noong 2015 na nagtatago sa Thailand, labas-pasok naman ito sa kulungan na parang nagbabakasyon lang. 


Noong 2018, nabago ang desisyon ng korte at nakalaya si “Reyes”. Isang taon lang itong nasa labas nang muling baguhin ng korte ang pinakahuling desisyon, kaya bumalik sa kulungan si “Reyes” noong 2019. 


Matapos nito, nakalabas uli si “Reyes” dahil sa mga bagong ‘legal remedies’ na ginamit ng kanyang mga abogado. 


Noong Marso 2023, binaliktad ng Korte Suprema ang nakaraang desisyon ng mga korte kaya’t ibinalik na naman sa ‘kulungan’ si “Reyes”.


Pero ngayon, sa halip na sa kulungan bunuin ang sentensya naka-“hospital arrest” si “Reyes”.


Sa kabila ng lahat ng mga testigo at ebidensyang nagpapatunay sa pagiging “mastermind” sa pagpatay kay Dok Gerry, positibo pa rin si “Reyes” na malakas ang kanyang kaso. 


Sa totoo lang, sa kabila ng hatol ng Sandiganbayan na may sala si “Reyes” sa mga kaso ng “graft” na may kinalaman sa bilyong piso umano na bahagi ng pondo ng Malampaya (gas), dinismis naman ng korte ang ibang kaso dahil kulang ng ebidensya ang mga ito. Hanggang kailan pa aabot ang paglilitis sa mga kaso nito? Tumatagal ba ito dahil sa matibay na ebidensya sa pagkainosente ni “Reyes”? O tumatagal lang ito dahil mahaba ang kanyang pisi at kayang-kaya niyang kumuha ng mga abogadong hahawak sa kanyang kaso?


Ganito ang tila hustisya sa ating bansa. Dadalawa lang ang uri ng mga may kaso, ang may mahabang pisi at ang walang pisi. Kalalabas lang ng nalalabing apat na buhay sa limang tinaguriang “Abadilla 5” na inaresto, kinasuhan, pinalaya, dinakip muli at ikinulong ng halos 30 taon dahil sa pagpatay umano kay Rolando Abadilla. May sala ba ang lima? Malinaw lahat ng ebidensyang inihain ng mga abogadong “pro-bono” na ipinaglaban ang “Abadilla 5”. Sino ba ang biktima at sino naman ang mga itinuro ng nag-iisang testigo para mabilis na matapos ang paglilitis ng kaso sa pagpatay kay Rolando Abadilla? 


Pagkatapos ng nangyari kay Abadilla, naglabas kaagad ng pahayag ang Alex Boncayao Brigade, ang kilalang “sparrow unit” ng CPP-NPA noong mga panahong iyon. Ibinigay sa akin ng isang kinatawan ng Alex Boncayao Brigade ang relos na Omega ni Abadilla bilang ebidensya na anila, sila talaga ang pumatay kay Abadilla. Itinago ko ang relos mula Disyembre 1999 hanggang Enero 2000 nang iharap ko sa korte ang ebidensyang ibinigay sa akin ng Alex Boncayao Brigade. 


Sina Neri Colmenares at Soliman Santos pa ang magagaling na abogadong humawak ng kaso ng “Abadilla 5”. Matagal ding nasa front page ng mga pahayagan ang kaso ng “Abadilla 5” hanggang unti-unting nawala at nakalimutan na lang.


Bago namatay si Lenido Lumanog, pagkaraan ng halos 11 taon ng pagda-dialysis, paulit-ulit na pakiusap nito sa akin na ipagdasal na makalaya ito ng maski isang araw man lang bago siya mamatay. Ilang ulit kong dinalaw ito sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) hanggang sa nalagutan ng hininga. Sa awa ng Diyos, dahil naabot na nila ang teknikalidad ng lubos na paglipas ng panahon ng sentensya, isa-isang lumaya na rin sina Cesar Fortuna, Joel de Jesus, Rameses de Jesus at Augusto Santos. Bagama’t buhay pa ang apat, matatanda na at may karamdaman na ang karamihan. Ano na ang nangyari sa pag-amin ng Alex Boncayao Brigade sa kanilang pagpatay kay Abadilla? Ano naman ang mangyayari sa kaso ni Dok Gerry Ortega? 


Lumalaban at umaasa pa rin ang mag-inang Michaela at Patti Ortega. Ipinagdarasal at sinusuportahan ko pa rin ang kanilang matagal na laban tulad ng “Abadilla 5”. Ngunit tila maiksi lang ang pisi nina Michaela at Patti tulad ng “Abadilla 5”.


Sa huli, wala na ba tayong magagawa kundi bumangga sa pader ng dalawang katarungan: ang pader ng katarungan na malinaw ang pagkiling sa may mahabang pisi, at ang kalbaryo ng mga wala o maiksi ang pisi na naghahanap ng katarungan?


Baka naging mas magandang itinuon ng Pangulo ang kanyang SONA sa trahedya ng katarungan sa ‘Pinas at dito niya sabihin ang katagang, “Mahiya Naman Kayo…”

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 2, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ano ba ang ibig sabihin ng statutory rape? Ano ang ipinagkaiba nito sa rape? Maraming salamat po. — Hillary



Dear Hillary, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa kaugnay na kaso, at mga batas, espesipiko ang Republic Act (R.A.) No. 8353, na inamyendahan ng R.A. No. 11648, o mas kilala sa tawag na “Anti-Rape Law of 1997.” Kaugnay nito nakasaad sa nasabing batas ang mga sumusunod: 


Article 266-A. Rape; When and How Committed. - Rape is committed:


  1. By a person who shall have carnal knowledge of another person under any of the following circumstances:


  1. Through force, threat, or intimidation;

  2. When the offended party is deprived of reason or otherwise unconscious;

  3. By means of fraudulent machination or grave abuse of authority; and

  4. When the offended party is under sixteen (16) years of age or is demented, even though none of the circumstances mentioned above be present: Provided, That there shall be no criminal liability on the part of a person having carnal knowledge of another person under sixteen (16) years of age when the age difference between the parties is not more than three (3) years, and the sexual act in question is proven to be consensual, non-abusive, and non-exploitative: Provided, further, That if the victim is under thirteen (13) years of age, this exception shall not apply. xxx.” 


Kaugnay ng nabanggit na probisyon ng batas, kamakailan lamang ay pinasyahan ng Korte Suprema En banc ang People vs. ABC260708 (G.R. No. 260708, 23 January 2024) sa panulat ni Honorable Associate Justice Mario V. Lopez. Sa kasong ito ay binigyang-linaw ang designasyon ng krimeng Statutory Rape:


Given these conflicting case law, the Court deems it imperative to clarify the appropriate taxonomic designation of the offense if the elements of both statutory rape, i.e., victim is below the statutory age or suffering from mental retardation comparable to the intellectual capacity of a child below the statutory age, and qualified rape, i.e., twin circumstances of minority and relationship, or the accused’s knowledge of the mental disability of the victim at the time of the commission of rape, or the age of the victim being below 7 years old, are present. xxx” 


Ayon sa nabanggit na desisyon at kaugnay ng naunang naibahagi na batas, ang statutory rape ay ang ilegal na pakikipagtalik sa isang bata na wala pang 16 na taong gulang o isang demented, nagbigay man ang huli ng pahintulot o hindi. 


Hindi tulad sa karaniwang rape, ang patunay ng pamumuwersa, pananakot, o pagpayag ay hindi kailangan sa statutory rape. Ang kawalan ng malayang pahintulot ay tiyak na ipinapalagay kapag ang biktima ay mas mababa sa edad na 16 na taong gulang o 12 taong gulang kung ang pangyayari ay naganap bago maisabatas ang R.A. No. 11648. 


Sa statutory rape, ipinapalagay ng batas na ang biktima ay walang pang-unawa at walang kakayahang magbigay ng matalinong pahintulot sa sekswal na gawain. Sa ganitong uri ng rape, ang kaparusahan na ipinapataw ng batas ay reclusion perpetua. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Apr. 6, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Sa ilalim ng Artikulo Tatlumput Dalawa (Article 32) ng ating New Civil Code, nakasaad na ang sinumang pampublikong opisyal o empleyado, o kahit sinumang pribadong indibidwal, na humahadlang, lumalabag o sa anumang paraan ay pumipinsala, tuwiran man o hindi direkta, sa alinman sa mga karapatan na inihayag sa nasabing artikulo, maging ng kalayaan ng ibang tao ay mananagot sa huli para sa mga pinsalang kanyang natamo. Ang mga karapatang binibigyang-proteksyon at nakalista sa nabanggit na probisyon na ito ay ang mga sumusunod:


(1) Freedom of religion (Kalayaan sa relihiyon);

(2) Freedom of speech (Kalayaan sa pagsasalita);

(3) Freedom to write for the press or to maintain a periodical publication (Kalayaan na magsulat para sa pamamahayag o magpanatili ng periodical publication);

(4) Freedom from arbitrary or illegal detention (Kalayaan mula sa hindi makatwiran o hindi legal na pagkakulong);

(5) Freedom of suffrage (Kalayaang bumoto);

(6) The right against deprivation of property without due process of law (Ang karapatan laban sa pagkakait ng ari-arian nang walang angkop na proseso ng batas);

(7) The right to a just compensation when private property is taken for public use (Ang karapatan sa isang makatarungang kabayaran kapag ang pribadong pag-aari ay kinuha para sa pampublikong paggamit);

(8) The right to the equal protection of the laws (Ang karapatan sa pantay na proteksyon ng mga batas);

(9) The right to be secure in one’s person, house, papers, and effects against unreasonable searches and seizures (Ang karapatang maging ligtas sa sarili, bahay, papel, at mga ibang bagay laban sa hindi makatwirang mga paghahanap at pagsamsam);

(10) The liberty of abode and of changing the same (Ang kalayaan ng tirahan at ng pagbabago nito);

(11) The privacy of communication and correspondence (Ang pagkapribado ng komunikasyon at pagsusulatan); 

(12) The right to become a member of associations or societies for purposes not contrary to law (Ang karapatang maging miyembro ng mga asosasyon o lipunan para sa mga layuning hindi labag sa batas);

(13) The right to take part in a peaceable assembly to petition the Government for redress of grievances (Ang karapatang makibahagi sa mapayapang pagpupulong upang magpetisyon sa gobyerno para sa pagtugon sa mga hinaing);

(14) The right to be free from involuntary servitude in any form (Ang karapatang maging malaya mula sa anumang anyo ng hindi boluntaryong pagkaalipin);

(15) The right of the accused against excessive bail (Karapatan ng akusado laban sa labis na piyansa);

(16) The right of the accused to be heard by himself and counsel, to be informed of the nature and cause of the accusation against him, to have a speedy and public trial, to meet the witnesses face to face, and to have compulsory process to secure the attendance of witness in his behalf (Ang karapatan ng akusado na mapakinggan sa pamamagitan ng sarili at abogado; na malaman ang kalikasan at dahilan ng akusasyon laban sa kanya; magkaroon ng mabilis at pampublikong paglilitis; makaharap ang mga saksi; at magkaroon ng sapilitang proseso upang matiyak ang pagdalo ng kanyang mga saksi); 

(17) Freedom from being compelled to be a witness against one’s self, or from being forced to confess guilt, or from being induced by a promise of immunity or reward to make such confession, except when the person confessing becomes a State witness (Kalayaan mula sa pagpilit na maging saksi laban sa kanyang sarili, sapilitang pag-amin ng pagkakasala, o pag-udyok na siya ay umamin sa kanyang pagkakasala kapalit ng isang pangako na hindi siya makakasuhan o ng gantimpala dahil sa kanyang pag-amin, maliban na lamang kung ang taong umamin ay naging saksi ng Estado);

(18) Freedom from excessive fines, or cruel and unusual punishment, unless the same is imposed or inflicted in accordance with a statute which has not been judicially declared unconstitutional (Kalayaan mula sa labis na multa, o malupit, at hindi pangkaraniwang parusa, maliban kung ito ay ipinataw alinsunod sa isang batas na hindi pa idineklarang labag sa Konstitusyon); at

(19) Freedom of access to the courts (Kalayaang makalapit sa mga hukuman).


Nakasaad din sa artikulong ito na sa alinman sa mga kaso na tinutukoy rito, kung ang ginawa o pagkukulang ng isinasakdal ay hindi isang kriminal na pagkakasala, ang taong nakaranas ng pinsala ay may karapatan na maghain ng isang hiwalay na kasong sibil para sa mga tinamong pinsala, at para sa iba pang hiling na kaluwagan. Ang nasabing aksyong sibil ay dapat magpatuloy nang hiwalay sa anumang kriminal na pag-uusig, kung ang huli ay naihain din. Ang kinakailangan lamang dito ay paramihan ng ebidensya (preponderance of evidence). Kabilang sa maaaring ipag-utos na kabayaran ay ang tinatawag na moral at exemplary damages. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page