top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Mga pasaway at ‘di sumusunod sa batas-trapiko, dapat lang panagutin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 7
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | April 7, 2026



Boses by Ryan Sison


Kung tutuusin, hindi simpleng paglabag lamang sa traffic light ang viral na insidente ng isang bus driver, dahil isa itong malinaw na paalala kung gaano kadelikado ang kawalan ng disiplina sa kalsada, lalo na kung ang hawak mo ay buhay ng dose-dosenang pasahero. 


Sa isang iglap ng pagiging padalus-dalos, maaaring mauwi sa trahedya ang isang ordinaryong biyahe, at ito ang eksaktong gustong pigilan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).


Kumilos agad ang LTFRB matapos kumalat sa social media ang video ng isang pampasaherong bus na diretsong tumawid sa intersection kahit pula pa ang ilaw. Dahil dito, ipinatawag ng ahensya ang operator ng bus at inatasan din ang driver na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa kasong reckless driving. 


Ayon sa isang opisyal ng LTFRB, personal na nakita ang video sa Facebook at agad na kinondena ang insidente dahil malinaw nitong isinapanganib hindi lamang ang mga sakay ng bus kundi pati ang ibang motorista at pedestrian.


Napag-alaman na ang nasabing bus ay bumibiyahe sa North Luzon routes, at posibleng maharap ang operator sa suspensyon o tuluyang kanselasyon ng prangkisa kung mapapatunayang may pagkukulang sa pagpapatupad ng disiplina sa kanilang mga driver. Parehong inatasan ang operator at driver na magsumite ng written explanation at humarap sa online hearing sa Abril 23, alas-9 ng umaga. 


Kapag nabigong sumunod, maaaring agad silang pagmultahin ng P5,000 at ituring na pagtalikod sa kanilang karapatang magpaliwanag.


Hindi lang simpleng aksyon laban sa isang driver ang layunin ng LTFRB. Nais din nilang alamin kung may iba pang paglabag na nagawa at kung ang driver ay nasa tamang kondisyon, mapa pisikal man o mental — noong mangyari ang insidente. 


Sa ganang akin, matagal nang problema sa lansangan ang abusadong pagmamaneho, ngunit tila mas lumalala ito dahil sa kawalan ng takot sa batas at sa paniniwalang kayang lusutan ang kanilang maling ginawa. 


Kaya mahalaga rin ang papel ng publiko, gaya ng netizen na nagbahagi ng video. Sa panahon ngayon, ang simpleng pagre-report ay nagiging sandata laban sa iresponsableng asal sa kalsada.


Ang usapin dito ay hindi lamang disiplina kundi respeto sa buhay. Ang bawat drayber ng pampublikong sasakyan ay may obligasyong maghatid ng ligtas, hindi ng panganib sa bawat taong kanilang isinasakay. 


Kung hindi ito kayang panindigan, marapat lamang na alisin sila sa kalsada. Dahil sa bawat paglabag na pinapalampas, mas lalong nalalagay sa alanganin ang taumbayan at iyan ang hindi dapat kailanman masanay o ipagwalang-bahala.




Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page