top of page

Mga paalala sa gitna ng US-Israel vs. Iran conflict

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | March 13, 2026



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Hayaan ninyong simulan ko ang kolum na ito sa isang matimyas na pagbati sa ating masugid na tagatangkilik na si Atty. Jose "Pepe" Oliveros, tubong Batangas. Nababasa ko ang inyong liham sa email, Atty. Pepe, at nagpapasalamat ako na kayo at ang inyong pamilya ay nasa mabuting kalagayan. 


Itong si Atty. Pepe ay isa sa ating mapagmalasakit na kababayan na nagpapahayag ng kanyang saloobin sa mga pangyayari sa lipunan para makapag-ambag sa ikabubuti ng bayan. Pagsaludo, Atty!


Gayundin naman, isang wagas na pagbati sa ating matagal nang kaibigang si Atty. Angelo (Jojo) Buenviaje. Ipinabatid niya sa atin kamakailan na ilang beses niyang nasundan ang ating espasyo, bagay na hindi ko inasahang kanya pang mapaglalaanan ng panahon sa rami ng kanyang pinagkakaabalahan. 


Si Atty. Jojo, para sa akin, ay ang pinakamahusay at pinakabeteranong naging chief of staff o legislative chief at kasalukuyan pa ring naglilingkod sa Senado. 


Naging chief of staff siya ng inyong lingkod sa ilalim ng tatlong datihang senador ng bansa. Kung galing, husay, at kalidad ng trabaho ang ilalagay sa apoy ng pagsubok at pagkilatis, ginto ang bigat at antas ng kanyang kabuuang obra. Salamat, Atty. Jojo, hindi lamang sa iyong pagtangkilik, kundi maging sa iyong hindi matatawarang ambag sa buhay ng iyong mga nakadaupang-palad, kabilang na ako roon. 


Samantala naman, kasalukuyang punumpuno ng pag-aalala ang milyun-milyon nating mga kababayan sa gitna ng nagaganap na kaguluhan sa pagitan ng Iran, Israel at Estados Unidos. At ito ay sa dahilang apektado ang presyo ng langis sa bansa, na namalas na nga natin ang pagsirit.


Sa puntong ito, nais nating ipaalala sa ating mga kababayang maghunos-dili at huwag padaig sa takot o panic, na magpapalala hindi lamang sa sitwasyon, kundi maging sa inyong kalusugan. 


Balikan nating ang naging paggalaw ng merkado sa panahon ng tatlong mabibigat na bakbakan: ang Gulf War noong 1990, ang Iraq War noong 2003, at ang kasalukuyan ding Russia-Ukraine War. 


Mapagtatanto nating ang presyo ng langis ay tumaas ng hanggang halos 75 porsiyento mula nang pumutok ang tensiyon hanggang sa pinakarurok nito. Ngunit ilang buwan lamang na hindi pa inabot ng lima ay narating na ang sinasabing rurok. Matapos nito ay bumaba nang muli ang presyo ng langis. Kaya't bagaman tila nakapagdudulot ng pag-aalala ang mga kasalukuyang kaganapan, ipinapaalala nating ating balikan ang kasaysayan na naglalatag ng maikling panahon lamang ng hindi maipintang presyuhan ng langis. 


Nakatutulong rin ang mga madaling unawaing paliwanag ng kasalukuyang Kalihim ng Enerhiya na si Sharon Garin, na ilang beses nating napanood sa telebisyon at narinig sa mga himpilin para mahimasmasan, mapagpaliwanagan, at maipabatid kung ano’ng aasahan sa pamahalaan ng ating mga balisang kababayan. 


Kung inaasinta natin ang paghahayag sa kapalpakan ng pamahalaan, kailangan rin nating kilalanin ang ginagawa nitong tama. Kaya nga't noon pa natin sinasang-ayunan at sinusuportahan ang pagkakaroon at paggamit ng enerhiyang nukleyar sa bansa, para hindi na tayo laging nakaasa sa pag-angkat ng langis na ang presyo ay bihag ng iba't ibang kaguluhan gaya ng ating sama-samang nararanasan.


Sa kabilang banda, nais naman nating makita na mas bukas ang mga sangay ng pamahalaan na nilalapitan ng ordinaryong mamamayan, sa halip na apat na araw lamang bukas. Sa panahong ito, hindi nga sapat ang limang araw lamang. May mga sangay ng pamahalaang bukas kahit Sabado sa mga mall, katulad ng PAG-IBIG, na isa sa ating binibigyan ng pagkilala bilang episyenteng sangay ng gobyerno. 


Saan ka makakahanap ng tulad ng PAG-IBIG na ang laki ng dibidendong ibinabalik sa miyembro, at may pa-ID pang ang daming katuwang na ahensyang may diskuwento. Galing tayo kamakailan sa PAG-IBIG office sa SM Aura sa BGC, Taguig City at saksi tayo sa kahusayan ng kanilang pagsisilbi sa atin. 


Kilalanin ang dapat markahan ang kahusayan, at asintaduhin naman ang kahinaan at kabulukan ng mga mapagpahirap na sangay ng pamahalaan!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page