Mga natural na benepisyo ng Lion’s Mane mushroom sa utak at emosyon
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni PAO Deputy Chief Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | March 16, 2026

Dear Doc Erwin,
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagsulat sa mga makabagong pag-aaral tungkol sa kalusugan. Dahil sa inyong column sa BULGAR newspaper, nadadagdagan ang aming kaalaman upang mapanatili ang aming kalusugan at makaiwas sa sakit.
Nasa edad na ako kung kailan malapit na ang menopause, at napapansin ko ang epekto nito sa aking mental na kalusugan, gaya ng pabago-bagong mood, pagiging iritable, at hirap sa pagtulog nang mahimbing. Nais ko pong itanong kung mayroon bang mga partikular na pagkain o diet na makakatulong sa ganitong mga sintomas?
– Edith
Maraming salamat, Edith, sa iyong liham dito sa “Sabi ni Doc.”
Ang yugto ng perimenopause o ang paglapit sa menopause ay talaga namang mapanghamon dahil hindi lamang katawan ang nagbabago kundi pati na rin ang emosyon dahil sa paggalaw ng ating hormones. Ang iyong nararamdamang pagiging iritable at mood swings ay tunay at nararanasan ng maraming kababaihan sa ganitong yugto.
Tungkol sa iyong tanong kung may partikular na pagkain na makakatulong sa iyong nararanasan, nais kong ipakilala sa iyo ang isang uri ng nakakain na mushroom na kasalukuyang pinag-aaralan kaugnay sa mga benepisyo nito sa mental health—ang Lion’s Mane mushroom.
Ang Lion’s Mane (Hericium erinaceus) ay isang uri ng kabute na tila may mahahabang puting buhok, kaya naman tinawag itong "buhok ng leon." Karaniwan itong tumutubo sa mga puno sa kagubatan. Sa kasalukuyan, naging tanyag ito sa larangan ng siyensya dahil sa mga bioactive compounds nito na may malaking potensyal na mapabuti ang kalusugan ng utak, mood, at kalidad ng tulog.
Ang sikreto ng Lion's Mane ay ang dalawang mahalagang compounds: ang hericenones at erinacines. May kakayahan ang mga itong tumagos sa blood-brain barrier upang pasiglahin ang produksyon ng Nerve Growth Factor (NGF) at Brain-Derived Neurotrophic Factor (BDNF) na mga protinang nagsisilbing "pataba" sa ating utak.
Nakatutulong ang mga ito sa neurogenesis o ang pagtubo ng mga bagong neurons. Kapag malusog ang ating mga neurons at maayos ang komunikasyon sa pagitan ng mga ito, mas nagiging balanse ang ating emosyon at nababawasan ang sintomas ng anxiety at depresyon. Bukod dito, ang Lion’s Mane ay may anti-inflammatory properties na nagbabawas sa pamamaga sa utak (neuroinflammation) na madalas iugnay sa malungkot na disposisyon.
Ayon sa isang mahalagang pag-aaral (randomized control trial) na isinagawa ni Nagano, et al. sa Japan noong 2010, ang mga kababaihang nasa menopausal stage na kumonsumo ng Lion’s Mane extract sa loob ng apat na linggo ay nakaranas ng makabuluhang pagbawas sa iritabilidad, anxiety, at mood swings kumpara sa mga hindi uminom nito.
Bukod dito, ayon sa narrative review ni Contato, et al., ang kabuteng ito ay nakatutulong din sa pagpapabuti ng kalidad ng tulog sa paraang nakatutulong itong pakalmahin ang isip upang maging mahimbing ang pahinga. Bukod dito ay nakita din sa mga pag-aaral na pinapaganda nito ang memorya at konsentrasyon. Ang Lion’s Mane ay mayroong karagdagang potensyal na benepisyong proteksyon sa utak. Sa kasalukuyan, ito ay pinag-aaralan bilang panlaban sa paglala ng mga neurodegenerative diseases, kagaya ng Alzheimer’s at Parkinson’s disease.
Maaaring kainin ang sariwa o pinatuyong Lion’s Mane sa pamamagitan ng pagsasama nito sa iyong mga putahe. Kung iyong nais naman ng mas concentrated na dose, mayroon din itong mga supplement sa anyo ng capsules, powder, o liquid extracts.
Sa pangkalahatan, ligtas itong kainin. Gayunpaman, may ilang bihirang makaranas ng banayad na side effects tulad ng sakit sa tiyan o pangangati ng balat.
Mahalagang paalala na bagamat malaki ang potensyal ng Lion's Mane, mainam na kumonsulta muna sa iyong doktor bago sumubok ng anumang supplement, lalo na kung ikaw ay may iniinom na ibang gamot. Ang mga natural na lunas ay gabay lamang at hindi dapat ipalit sa propesyonal na payong medikal, lalo na kung ang mood swings o depresyon ay nagiging malubha na. (Sarrah F. Serrano, MD)
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com




Comments