top of page
BIDA - JANELLA KAY KLEA I LOVE YOU SO MUCH, MY BABY, MY LOVE, MY SWEET BABY BOO!-IG _kleap

Mga nasa likod ng ilegal na pabrika ng sigarilyo, panagutin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 6
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | February 6, 2026



Boses by Ryan Sison


Nakakadismaya ang patuloy na pag-usbong ng mga ilegal na pabrika ng sigarilyo sa bansa, lalo’t may mga alegasyon na posibleng may kinalaman dito ang ilang halal na opisyal ng gobyerno.


Sa gitna ng kahirapan at kakulangan ng pondo para sa serbisyong panlipunan, may ilan na yumayaman sa gawaing malinaw na labag sa batas. Ayon sa isang opisyal, nasa ilalim na ngayon ng imbestigasyon ang hindi bababa sa 10 ilegal na pabrika sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Kasunod ito ng pagsasara ng isang pabrika kung saan nasamsam ang tinatayang P400 milyon halaga ng sigarilyo, limang makina para sa paggawa at pag-impake, at pagkakaaresto sa anim na umano’y Chinese operators. Nasagip din mula sa naturang pasilidad ang 65 Pilipinong manggagawa.


Lalo pang bumigat ang isyu nang ihayag ng Interior Secretary na may indikasyong dalawang kongresista mula sa Northern Luzon ang posibleng sangkot. Bagama’t hindi pa pinapangalanan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, malinaw na ang ilegal na industriya ay hindi lamang usapin ng smuggling o tax evasion, kundi posibleng sintomas ng mas malalim na katiwalian.


Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), umabot na sa humigit-kumulang P10 bilyon ang kabuuang halaga ng mga undocumented cigarette na nasamsam sa nakalipas na linggo. Ibig sabihin, bilyun-bilyong pisong kita ang nawawala sa kaban ng bayan—pondong sana’y nailaan sa ospital, paaralan, ayuda, at iba pang serbisyong direktang pakinabangan ng taumbayan.


Ang higit na masakit ay ang epekto nito sa ordinaryong mamamayan. Habang ang ilan ay yumayaman sa likod ng ilegal na negosyo, ang karaniwang Pinoy ang nagbabayad ng presyo sa kakulangan ng serbisyo at patuloy na paglayo ng tiwala sa pamahalaan. Ang mga manggagawang nasagip ay patunay na madalas ay ang mahihirap ang nagiging kasangkapan at biktima ng ganitong operasyon.


Ang laban kontra-ilegal na sigarilyo ay hindi lamang tungkol sa pagsasara ng pabrika o pag-aresto ng operator. Isa itong pagsubok sa integridad ng gobyerno at sa kakayahan nitong papanagutin kahit ang makapangyarihan. Kung tunay na para sa taumbayan ang pamahalaan, dapat walang puwang para sa proteksyon sa mga nasa likod nito. Ang hustisya ay hindi dapat pumili ng kakampihan, kundi kumampi sa batas at sa mamamayang matagal nang naghihintay ng pananagutan.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page