top of page

Mga nakatanggap ng maletang pera, kabahan na dahil baka ipatawag sa Senate ang 18 ex-marines

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 17, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


UTOS NG COA KAY VP SARA NA ISOLI ANG P75M CONFI FUNDS SA KABAN NG BAYAN, PATUNAY NA FAKE NEWS ANG IKINALAT NG DDS VLOGGERS SA SOCMED – Kumakalat sa social media ang pahayag mula sa DDS vloggers na umano’y nilinis o inabsuwelto na ng Commission on Audit (COA) si Vice President Sara Duterte kaugnay ng isyu ng confidential funds. Gayunman, sa pagdinig ng House Justice Committee noong Abril 4, 2026, iniulat na kinumpirma ni COA Intelligence and Confidential Funds Auditing chief Gloria Camora na ibinasura ng komisyon ang apela ng Bise Presidente.

Ayon sa naturang ulat, inatasan din ang tanggapan ng Bise Presidente na isauli sa kaban ng bayan ang ₱75 milyon mula sa ₱125 milyong confidential funds matapos umanong hindi maipaliwanag ang naging paggastos nito.


Dahil dito, paalala sa publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong kumakalat sa social media at tiyaking beripikado ang mga pinagmumulan ng balita bago paniwalaan o ibahagi. Period!


XXX


SEN. LACSON, PAYAG IMBITAHAN ANG 18 EX-MARINES SA SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE KAYA MGA NAKATANGGAP NG MALE-MALETANG PERA, KABADO NA –Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Sen. Ping Lacson, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na maaari pa rin niyang ipatawag ang 18 ex-marines na nagsabing inutusan sila ni dating Cong. Zaldy Co na mag-deliver ng mga maleta na naglalaman umano ng pera sa ilang opisyal ng gobyerno at mga pulitiko, basta’t maisumite ng mga ito ang mga makatotohanang affidavit.


Dahil dito, posibleng muling mabuksan ang imbestigasyon kaugnay ng naturang alegasyon. Kapag napatunayan ang mga paratang, maaari umanong magrekomenda ang komite ng pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot. Abangan!


XXX


MGA JUSTICES, WALANG NAKITANG FLOOD CONTROL PROJECTS SA PANDI, BULACAN KAYA MALAMANG HIRIT NI BONG REVILLA NA MAKAPAGPIYANSA, IBABASURA NG SANDIGANBAYAN – Nagsagawa ng inspeksyon ang Sandiganbayan sa mga flood control project sa Pandi, Bulacan kaugnay ng kasong kinasasangkutan ni dating Senador Bong Revilla.

Batay sa resulta ng inspeksyon, walang natagpuang aktuwal na imprastraktura sa ilang itinurong lokasyon, kaya lumutang ang alegasyong “ghost projects” sa naturang mga proyekto.


Dahil dito, patuloy na inaaral ng Sandiganbayan ang mga ebidensya kaugnay ng kahilingan ni Revilla na makapagpiyansa sa kasong malversation of public funds through falsification of public documents. Boom!


XXX


DAPAT PANGALANAN, HUBARAN NG MASKARA NI SEC. TED HERBOSA MGA MIYEMBRO NG 'MAFIA' SA DOH – Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa ng Department of Health (DOH), may mga tinatawag umanong “mafia” sa loob ng kagawaran na umano’y naninira sa kanya.


Nanawagan naman na pangalanan ang mga ito upang tuluyang mabunyag at mapanagot ang sinumang nasa likod ng naturang paninira sa loob ng DOH. Period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page