top of page
BULGARY - LUCAS LORENZO, NA-BANNED DAW SA GOLF DAHIL SA SABLAY NA ASA-IG _juliabarretto.jp

Mga nag-no sa impeachment ni VP Sara, tinanggalan agad ng puwesto

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 14 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 24, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


ATTY.  PANELO INOKRAY ANG 2 ABOGADO NI SEN. DELA ROSA – Inokray ni former presidential legal counsel na si Salvador Panelo ang dalawang abogado ni Sen. Ronald dela Rosa na sina Israelito Torreon at Jimmy Bondoc dahil mali umano ang petisyong inihain ng mga ito sa Supreme Court (SC).


Ayon kay Panelo, dapat umanong writ of habeas corpus na kumukuwestyon sa bisa ng warrant of arrest ng International Criminal Court sa Pilipinas ang inihain sa Korte Suprema, at hindi temporary restraining order (TRO) na ang layunin ay pansamantalang pigilan ang pag-aresto sa senador. Dahil dito, na-deny ang hirit na TRO ni Sen. Dela Rosa.


Hindi man ito deretsahang sinabi, tila pinuna rin ni Panelo si Sen. Dela Rosa kung bakit sina Torreon at Bondoc ang napili niyang maging abogado sa halip na ibang beteranong legal counsel sa bansa. Dahil umano sa pagkaka-deny ng TRO, nagkaroon tuloy ng pagkakataon ang Department of Justice na itulak ang pag-aresto sa senador. Period!


XXX


INAKALA NI SEN. PIA NA MAKAKAKUHA SIYA NG SIMPATIYA SA PAG-IYAK SA SENADO, MALI PALA, KASI NA-BASH AT PINAGTAWANAN PA SIYA – Marahil ay napagtanto na ngayon ni Sen. Pia Cayetano na sumablay ang naging pag-iyak niya sa Senado tungkol sa umano’y hindi pangungumusta sa kanila ng mga kapwa senador na nasa minorya.


Maaaring noong una ay inakala niyang makukuha niya ang simpatya ng publiko, ngunit kabaligtaran ang naging resulta. Sa halip na awa, pambabatikos at pangungutya mula sa netizens sa social media ang inabot niya dahil sa kanyang emosyonal na eksena sa Senado. Boom!


XXX


RESBAK SA 3 CONG. NA NAG-NO SA IMPEACHMENT NI VP SARA, SINIBAK SA MGA KOMITE – Tinanggal sa kanilang mga pinamumunuang komite ang tatlong kongresistang kasapi ng majority bloc sa Kamara na nag-“no vote” sa impeachment ni Vice President Sara Duterte. Kabilang dito sina Laguna 2nd District Rep. Ramil Hernandez, Southern Leyte 1st District Rep. Roger Mercado, at Agusan del Norte 1st District Rep. Dale Corvera.


Para sa ilan, malinaw itong indikasyon na may umiiral na pressure o takutan sa botohan kaugnay ng impeachment ni VP Sara, dahil ang mga hindi sumuporta ay agad na nawalan ng posisyon sa Kamara. Period!


XXX


KAPAG NAABSUWELTO SI ATONG ANG, PAGTATAWANAN NIYA ANG MARCOS ADMIN KASI HINDI SIYA NAGAWANG IPAKULONG – Mula sa 34 na pamilya ng mga nawawalang sabungero na nagsampa ng kasong multiple murder at kidnapping laban kay Charlie “Atong” Ang, lima na lamang umano ang dumadalo sa pagdinig sa korte. Ang 29 naman daw ay tila wala nang pakialam sa kaso, na indikasyong posibleng nabayaran kapalit ng hindi pagdalo sa hukuman.


Kung totoo na gumana ang pera ni Atong Ang, dapat bigyan ng gobyerno ng financial aid ang limang pamilyang patuloy na lumalaban para sa hustisya. Kapag pinabayaan sila at kalaunan ay nabili na rin, posibleng maabsuwelto si Atong Ang sa kaso. At kapag nangyari iyon, pagtatawanan lamang umano ng gambling tycoon ang administrasyong Marcos dahil nabigo itong maipakulong siya. Period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page