top of page

Mga motorista, nauna pang magdusa sa dagdag-bayarin sa NLEX kaysa pagdusahin sa kulungan ang mga korup

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 20, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


UNA PANG MASASALANG SA IMPEACHMENT SI PBBM KAYSA KAY VP SARA – Inindorso ni Pusong Pinoy Partylist Rep. Jett Nisay sa Kamara ang impeachment complaints ni Atty. Andre De Jesus laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos (PBBM). Kabilang sa mga reklamo ang betrayal of public trust dahil sa pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), graft and corruption dahil sa hindi pag-veto sa unprogrammed funds, mga kickback at ghost projects, at pagiging unfit to serve dahil sa alegasyong drug addict ang pangulo.


Ayon sa ulat, mauuna pa raw si PBBM sa impeachment kumpara kay Vice President Sara Duterte-Carpio, na maaari lamang sampahan ng impeachment muli sa Pebrero 6, 2026, matapos ibasura ng Supreme Court noong Hulyo 2025 ang Articles of Impeachment na isinampa ng Kamara sa Senado noong Pebrero 5, 2025. Boom!


XXX


IMBES UNAHIN NG MARCOS ADMIN NA PAGDUSAHIN SA KULUNGAN MGA KURAKOT, NAUNA PANG MAGDUSA SA DAGDAG-BAYARIN SA NLEX ANG MGA MOTORISTA – Mula ngayong araw, ipaiiral ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation ang dagdag-bayad sa toll fee: P6 para sa Class 1 vehicles, P12 para sa Class 2, at P16 para sa Class 3. Bukod dito, sa bawat 26 kilometro na biyahe, may karagdagang toll fee para sa mga motorista.


Nakakalungkot ito sa ilalim ng Marcos administration, dahil mas nararamdaman ng mga motorista ang dagdag-bayad sa NLEX kaysa ang parusa sa mga kurakot na pulitiko na sangkot sa flood control projects scam. Tsk!


XXX


DAPAT IWASAN DAW MUNA NG MGA ANAK NI FPRRD NA MAGPA-INTERBYU PARA HINDI NABUBULILYASO ANG HIRIT NI ATTY. KAUFMAN NA INTERIM RELEASE SA EX-PRESIDENT – Sa kabila ng pagtanggi ng International Criminal Court (ICC) sa interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte (FPRRD), hindi pa rin sumusuko ang abogado nitong si Atty. Nicholas Kaufman, na pilit inaapela ang pansamantalang pagpapalaya dahil sa lumalalang kondisyon ng kalusugan ng dating pangulo.


Ngunit maaaring muling ibasura ng ICC ang hirit na ito, dahil taliwas ang alegasyong lumalala ang kalusugan ni FPRRD sa sinabi ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, na ayon sa kanya ay malusog naman ang kanyang ama at may mahabang buhok sa kasalukuyan.


Iminumungkahi na iwasang magbigay ng media interview ng mga anak ni FPRRD tungkol sa kaniya, dahil ang mga pahayag nila ay maaaring makasagabal o makabigo sa apela ni Atty. Kaufman sa ICC para sa interim release. Boom!


XXX


SANGKATUTAK DAW ANG MGA ILEGALISTA AT MANGRARAKET SA CAMANAVA AREA KASI WALANG 'WAR ON ILLEGAL GAMBLING' SI NPD GEN. DELA CRUZ – Lantaran na naman daw ang operasyon ng mga raket na STL (Small-Town Lottery), Jueteng, EZ-2, at bookies sa CAMANAVA area. Sa Caloocan City, patuloy daw ang laro nina Carlo, Oye, at Edmund; sa Malabon City naman sina Mario Bokbok, Atan, Noel, Ponga, at Lina Robles; sa Navotas City sina Leody at Judy; at sa Valenzuela City si Jojo.


Tila wala pa ring malinaw na deklarasyon ng “war on illegal gambling” mula kay NPD Director Brig. Gen. Christopher Dela Cruz, kaya patuloy pa rin daw ang operasyon ng mga ilegalista sa naturang lugar. Period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page