top of page

Mga manggagawa, pinapaasa lang tuwing Labor Day, wala namang dagdag-sahod

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 34 minutes ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 2, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


58% PINOY, NANINIWALANG MAY TAGONG YAMAN SI VP SARA – Sa pinakahuling survey ng Tangere, lumabas na 58% o mayorya ng mga Pilipino ang naniniwalang may “hidden wealth” o tagong yaman si Vice President Sara Duterte.


Hindi magandang senyales ang 58% na ito, dahil kung magre-reflect ang ganitong pananaw sa boto sa 2028 presidential election, maaaring maging malaking balakid ito sa kanyang kandidatura.


Kaya kung nais ni VP Sara na maibalik ang tiwala ng nasabing porsyento ng publiko, mahalagang harapin niya ang isyu. Kung magsisimula ang impeachment trial sa Senado, nararapat na ilatag niya ang mga ebidensyang magpapatunay na wala siyang katiwalian at wala siyang itinatagong yaman.


Kung magagawa niya ito at mapawalang-sala ng impeachment court, posibleng mabawi niya ang kumpiyansa ng publiko—isang mahalagang hakbang tungo sa anumang planong pagtakbo sa 2028 presidential election. Boom!


XXX


MARCOS ADMIN, LAGING PINAPAASA SA WALA ANG MGA MANGGAGAWA PARA SA DAGDAG-SUWELDO TUWING LABOR DAY – Natapos ang Labor Day kahapon nang walang ibinigay na katiyakan ang Department of Labor and Employment (DOLE) kung kailan maibibigay ang hinihinging dagdag-sahod ng mga manggagawa.


Kung walang malinaw na katiyakan, huwag nang umasa ang mga manggagawa na agad silang makatatanggap ng umento, lalo’t tila nagiging paulit-ulit na lamang ang ganitong pangako tuwing Labor Day. Period!


XXX


SI JAY SONZA RAW PALA MAY SAKIT, HINDI SI PBBM – Matapos dakpin sa kasong cyberlibel, inokray ng mga netizen sa social media ang vlogger at dating broadcaster na si Jay Sonza.

Ang kaso ay kaugnay ng umano’y pagpapakalat niya ng maling impormasyon sa social media, kung saan sinabi niyang may malubhang sakit at kritikal na kalagayan umano si Pangulong Bongbong Marcos sa St. Luke’s.


Dahil dito, lalo siyang naging tampulan ng pang-ookray nang dalhin siya sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI). Ayon sa mga ulat, bigla siyang nanghina at sinabing sinusumpong ng hika, at kalaunan ay humingi pa ng wheelchair dahil hindi na raw niya kayang maglakad.


Ito ang lalong ikinatuwa at pinuna ng mga netizen, dahil sa kabila ng kanyang naunang pahayag tungkol sa kalagayan ng pangulo, siya pala ang nakaranas ng panghihina. Boom!


XXX


BUKOD SA KANYANG MAG-INA, BAKA PATI SI MIKE DEFENSOR KAKASUHAN NA RIN NG HUMAN TRAFFICKING – Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na sa kanilang imbestigasyon ay may nakitang ebidensyang nag-uugnay kay dating Cong. Mike Defensor sa kasong human trafficking. Ibig sabihin, hindi lamang ang mag-ina ng dating kongresista ang kakasuhan kundi pati siya.


Kapag napatunayang nagkasala, maaari silang makulong dahil ang kasong human trafficking ay karaniwang itinuturing na non-bailable depende sa bigat ng ebidensya. Period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page