Mga lalaking gov’t officials, ‘wag tularan si Suntay kung ayaw masampolan
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 8, 2026

PINAGTAWANAN AT NA-BASH SA SOCIAL MEDIA SI VP SARA KASI 'TUTULOG-TULOG SA PANSITAN' ANG KANYANG MGA ADVISERS, HINAYAAN SIYANG MAGLABAS NG ‘PANIS’ NA STATEMENT – Tila yata “tutulog-tulog sa pansitan” ang mga advisers ni Vice President Sara Duterte. Mantakin ninyo, hinayaan nila si VP Sara na manawagan kamakalawa sa mga ahensya ng gobyerno na bantayan ang presyo ng langis at ang epekto nito sa mga bilihin at transportasyon, sa kabila ng digmaan sa Middle East.
Samantala, nuong March 3, 2026, umaksyon na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), na nag-anunsyo na hihilingin niya sa Kongreso ang emergency powers para bawasan ang excise oil tax, magbigay ng subsidiya sa public transport sector, sa mga magsasaka at mangingisda, at panatilihin ang kasalukuyang presyo ng bilihin.
Dahil “panis” na ang pabidang pahayag ni VP Sara, bukod sa pagtawanan siya sa social media, binash pa siya ng mga netizens. Boom!
XXX
BABALA SA MGA LALAKING GOV'T. OFFICIALS, ‘WAG TULARAN SI CONG. SUNTAY PARA HINDI MA-ETHICS COMPLAINT AT MAKASUHAN NG ADMINISTRATIBO – Bukod sa isinampang ethics complaint sa Kamara, nagsampa rin sa Ombudsman ang isang grupo ng kababaihan ng kasong administratibo laban kay Quezon City 2nd District Rep. Bong Suntay. Ito ay kaugnay ng isinapubliko niyang nagkaroon daw siya ng pagnanasa kay actress Anne Curtis nang makita ito sa mall, at in-imagine niya kung ano ang puwedeng mangyari dahil nag-init umano ang kanyang katawan sa aktres.
Ang mga kasong ito kay Cong. Suntay ay maaaring maging babala sa ibang lalaking opisyal ng pamahalaan. Kung tutularan nila ito, maaaring bukod sa ethics complaint, maharap din sila sa kasong administratibo. Period!
XXX
ZALDY CO, DAPAT MAGPA-PSYCHO TEST KASI NAGTATAGO SIYA SA BATAS TAPOS HUMIHIRIT NA HUWAG DAW SIYANG TAGURIANG PUGANTE – Tinabla ng Sandiganbayan ang hirit ni former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co na bawiin ng korte ang taguri sa kanya bilang “pugante.”
Dapat yata magpasuri si Zaldy Co sa psychiatrist, kasi mantakin ninyo—may warrant of arrest na siya, at imbes harapin ang kanyang kaso, nagtago siya at ayaw pang tawaging pugante. Buset!
XXX
MGA HIRIT NA INTERIM RELEASE KAY FPRRD, TINULDUKAN NA NG ICC KAYA HABANG NILILITIS KANYANG KASO NAKAKULONG SIYA – Tinuldukan na ng International Criminal Court (ICC) ang anumang mosyon o hirit ng mga abogado ni former President Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) para sa interim release o pansamantalang kalayaan ng dating presidente.
Ibig sabihin nito, habang nililitis sa ICC ang mga kasong crimes against humanity laban kay FPRRD, mananatili siyang nakakulong sa ICC jail at makakalaya lamang kapag naabsuwelto sa kaso. Mas masaklap pa, kung mapatunayang guilty, tuluyan na siyang hindi makakalabas sa kulungan. Period!




Comments