Mga korup, dapat bigyan ng warrant of arrest, hindi HDO lang!
- BULGAR

- Mar 5
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 5, 2026

NASANAY NA MGA DDS SA MGA 'BASTOS-STATEMENT' NOON NI FPRRD, KAYA SUPORTADO NILA ANG 'BASTOS-STATEMENT' NI CONG. SUNTAY – Sa social media, may mga bumabatikos at may mga sumusuporta sa pahayag ni Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay na “may desire sa loob ko na nag-init talaga” nang makita umano niya sa mall ang aktres na si Anne Curtis.
Ang mga bumabatikos ay nagsasabing hindi angkop at bastos ang naging pahayag ng kongresista. Samantala, ang mga sumusuporta naman ay tila hindi nakikitang mali ang kanyang sinabi—ilan sa kanila ay iniuugnay pa ito sa nakasanayang istilo ng pananalita noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Boom!
XXX
CONG. SUNTAY, LULUSOT SA CRIMINAL CASE, PERO HINDI SA ADMINISTRATIVE CASE – Kung inaakala ni Cong. Suntay na hindi siya maaaring managot sa kanyang pahayag tungkol sa pagnanasa kay Anne Curtis, maaaring nagkakamali siya.
May ilang legal expert ang nagsabing mahirap siyang sampahan ng criminal case dahil wala umanong aktuwal na ginawang pambabastos at pawang salita lamang ang kanyang binitiwan. Gayunman, maaari pa rin siyang managot sa ilalim ng administrative case.
Ayon sa mga eksperto, maaari siyang kasuhan sa ilalim ng Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, na nagtatakda na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat kumilos nang may propesyonalismo, dignidad, at paggalang sa kapwa.
Sa madaling sabi, maaaring makalusot siya sa kasong kriminal, ngunit posibleng magkaroon ng pananagutan sa kasong administratibo. Kapag may naghain ng reklamo at napatunayang may paglabag, maaari itong magresulta sa suspensyon o maging sa pagtanggal niya sa puwesto bilang kongresista. Period!
XXX
MAS INTERESADO ANG TAUMBAYAN SA WARRANT OF ARREST SA MGA KORUP, HINDI SA HOLD DEPARTURE ORDER – Inaprubahan ng Sandiganbayan ang hiling ng Office of the Ombudsman na magpalabas ng hold departure order laban kina Benguet Rep. Eric Yap at dating ACT-CIS partylist Rep. Edvic Yap kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control project.
Gayunpaman, para sa ilang mamamayan, hindi sapat ang HDO. Mas nais umano ng publiko na makakita ng konkretong aksyon, tulad ng paglalabas ng warrant of arrest laban sa mga mapatutunayang sangkot sa katiwalian.
Dahil dito, may panawagan na pabilisin ng Ombudsman ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso upang, kung may sapat na ebidensya, ay maharap sa korte ang mga akusado at maipatupad ang nararapat na proseso ng batas. Boom!
XXX
DEKA-DEKADANG 'NGANGA' LANG ANG PAMILYA BINAY SA RAKET NA BOOKIES NI 'TOTO' SA MAKATI CITY – Dekada na sa puwesto ang pamilya Binay sa Makati, at dekada na rin umanong umiiral ang raket na bookies ni “Toto” sa lungsod.
Ibig sabihin, matagal na ring tila walang aksyon laban sa nasabing ilegal na operasyon. Tsk!




Comments