Mga kondisyon sa pagsali ng dayuhan sa unyon ng mga manggagawa
- BULGAR

- 4 days ago
- 3 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 16, 2026

Dear Chief Acosta,
Nalaman ko na ang mga manggagawa diumano ay may karapatan sa sariling organisasyon o sumali sa unyon para sa kapwa kapakanan at ikabubuti ng bawat kasapi nito. Kaugnay nito, nais kong malaman kung sakop ba ng nasabing karapatan sa pag-oorganisa maging ang mga dayuhang manggagawa (alien employees)? — Brent
Dear Brent,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa ating Saligang Batas at sa mga kaugnay na alituntunin. Para sa iyong kaalaman, ang karapatan sa sariling organisasyon, sama-samang pakikipagkasundo (collective bargaining), at negosasyon ay ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas sa ilalim ng Artikulo XIII, Seksyon 3, na nagsasaad ng mga sumusunod:
“Section 3. The State shall afford full protection to labor, local and overseas, organized and unorganized, and promote full employment and equality of employment opportunities for all.
It shall guarantee the rights of all workers to self-organization, collective bargaining and negotiations, and peaceful concerted activities, including the right to strike in accordance with law. They shall be entitled to security of tenure, humane conditions of work, and a living wage. They shall also participate in policy and decision-making processes affecting their rights and benefits as may be provided by law.”
Hinggil sa nabanggit, ang karapatan ng mga manggagawa sa sariling organisasyon ay nangangahulugang may karapatan silang magtatag, sumali, o tumulong sa mga samahang paggawa na kanilang malayang pinili para sa layunin ng sama-samang pakikipagkasundo (collective bargaining) sa pamamagitan ng mga kinatawan na kanilang pinili; makilahok sa sama-samang pagkilos para sa layunin ng collective bargaining; at iba pang anyo ng pagtutulungan o proteksyon para sa kanilang kapakanan.
Kaugnay sa iyong katanungan, nilinaw sa Section 2, Rule II, Book V ng Omnibus Rules Implementing the Labor Code, na inamyendahan ng Department Order No. 40-C-05, na inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong ika-7 ng Marso, 2005, na maaaring magkaroon ng karapatan ang mga dayuhan sa sariling organisasyon, o sumali sa mga unyon ng mga manggagawa:
“SECTION 2. Who may join labor unions and workers' associations. — All persons employed in commercial, industrial and agricultural enterprises, including employees of government owned or controlled corporations without original charters established under the Corporation Code, as well as employees of religious, charitable, medical or educational institutions whether operating for profit or not, shall have the right to self-organization and to form, join or assist labor unions for purposes of collective bargaining: provided, however, that supervisory employees shall not be eligible for membership in a labor union of the rank-and-file employees but may form, join or assist separate labor unions of their own. Managerial employees shall not be eligible to form, join or assist any labor unions for purposes of collective bargaining. Alien employees with valid working permits issued by the Department may exercise the right to self-organization and join or assist labor unions for purposes of collective bargaining if they are nationals of a country which grants the same or similar rights to Filipino workers, as certified by the Department of Foreign Affairs, or which has ratified either ILO Convention No. 87 and ILO Convention No. 98.”
Alinsunod sa mga nabanggit, ang mga dayuhang manggagawa na may balidong permit sa pagtatrabaho na inisyu ng DOLE ay maaaring gamitin ang karapatan sa sariling organisasyon, at sumali o tumulong sa mga unyon ng mga manggagawa para sa layunin ng sama-samang pakikipagkasundo (collective bargaining), kung sila ay mamamayan ng isang bansa na nagbibigay ng kapareho o katulad na mga karapatan sa mga manggagawang Pilipino, na pinatutunayan ng sertipikasyon mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), o nagratipika sa alinman sa International Labour Organization Conventions No. 87 at 98.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments