Mga Kaso ni Romualdez wala nang lusot, itutuloy na ng Ombudsman
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 26, 2026

HIRIT NI CONG. ROMUALDEZ NA MAG-INHIBIT SI OMBUDSMAN REMULLA TINABLA, KAYA MALAMANG MAKUKULONG SA CITY JAIL ANG DATING SPEAKER – Tinabla ni Ombudsman Boying Remulla ang hirit ni Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez na mag-inhibit siya sa kasong plunder, indirect bribery, at money laundering na isinampa laban sa kongresista.
Ang desisyon ng Ombudsman ay maaaring magpahiwatig na itutuloy nito ang pagdinig sa kaso nang hindi bumibigay sa kahilingan ng panig ni Romualdez. Period!
XXX
PBBM, PINUTAKTE NA NAMAN NG PAMBA-BASH KASI FAKE NEWS DAW PALA ANG INANUNSYO NIYANG ARESTADO NA SI ZALDY CO – Matapos makumpirma na hindi naman daw pala hinuli ng mga otoridad ng Czech Republic si dating kongresista Zaldy Co, umani ng batikos sa social media si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) dahil sa naunang ulat na diumano’y naaresto na ang dating mambabatas at inaasikaso na ang deportasyon nito pabalik sa Pilipinas.
Dahil dito, marami ang kumuwestiyon sa naging anunsyo, na kalaunan ay lumabas na hindi tumutugma sa aktuwal na sitwasyon. Umalingawngaw ang panawagan ng publiko na dapat mas tiyakin muna ang beripikasyon ng impormasyon bago ito isapubliko, lalo na kung galing sa mga opisyal na ulat.
Kung sinuman sa mga opisyal ng gobyerno ang nagbigay ng maling impormasyon, iginiit ng ilan na dapat silang managot dahil nagdulot ito ng kalituhan at bumaliktad sa administrasyon ang isyu. Boom!
XXX
WALANG BAHID NG PULITIKA ANG RAID NG NBI SA GUSALING PAG-AARI NG MAG-INANG DEFENSOR – Malayo sa katotohanan, ayon sa panig ng mag-asawang dating kongresista at Julie Defensor, ang alegasyon na pulitikal umano ang naging dahilan ng pag-raid ng National Bureau of Investigation (NBI) sa gusaling pag-aari nila na kinaroroonan ng Chicago Night Club at Beau Hotel sa Pasig City.
Gayunman, hindi rin maikakaila na ang NBI ay hindi isang pulitikal na ahensya, at ang isinagawang operasyon ay may kasamang mga kinatawan mula sa media, city social welfare office, at mga opisyal ng barangay. Sa naturang operasyon, iniulat na may 54 na kababaihan ang na-rescue na sinasabing biktima ng human trafficking. May mga indibidwal din umanong umamin sa paggamit ng droga sa isang VIP room.
Batay pa sa mga dokumentong sinuri sa lugar, ang pag-aari ng gusali ay nakapangalan
umano sa asawa at anak ng dating kongresista, ayon sa mga ulat.
Sa halip na ituon ang atensyon sa alegasyon laban sa NBI, mas mainam para sa panig ng mag-asawa na sagutin ang mga isyu sa tamang forum at patunayan sa korte ang kanilang panig, lalo na kaugnay ng posibleng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kapag makitaan ng sapat na basehan o probable cause ang piskalya, maaaring humantong ito sa pagsasampa ng kaso sa korte at pag-isyu ng warrant of arrest. Sa ganitong proseso, nasa korte na ang pagpapasya sa bigat ng ebidensya at pananagutan ng mga sangkot. Period!
XXX
MALABONG MASALANG SA IMPEACHMENT TRIAL SI VP SARA – Maisampa man ng Kamara sa Senado ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, sinasabing malabo pa rin na umusad ito sa impeachment trial.
Ayon kay dating Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, apat lamang umano ang mga senador na matatag na anti-Duterte, na kinabibilangan nina Senate President Tito Sotto, Senators Ping Lacson, Kiko Pangilinan, at Risa Hontiveros.
Ang punto, kapag may isang pro-Duterte na senador na magmosyon na ipagpaliban o i-archive muna ang paglilitis sa VP, at ito ay isalang sa botohan, posibleng manaig ang boto ng karamihan ng mga senador. Sa ganitong senaryo, malaki ang tsansang maipagpaliban ang proseso habang iilan lamang ang tututol. Boom!




Comments