Mga kailangang dokumento sa pag-aaplay ng Australia tourist visa
- BULGAR

- 2 hours ago
- 4 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | March 7, 2026

Isang magaang paksa naman ang ating pagkukuwentuhan sa araw na ito, matapos ang mga nakaraang nakaluluray na mga pag-analisa sa mga reyalidad ng buhay sa Pilipinas na ating sama-samang binubuno.
Gaya ng akin nang nabanggit noong nakaraang Biyernes, balak naming magpunta ng aking pamilya sa Australia para sa maranasan ang kultura at buhay doon bilang pansamantalang turista.
Kaya't hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang makabagong paraan ng pag-aaplay para magawaran ng Australia ng visitor visa (subclass 600).
Online na ang aplikasyon at wala nang hard copies ng mga dokumento ang kailangang ibigay. Napaka-episyente rin ng proseso at madaling intindihin.
Kung kayo ay interesadong bumisita sa Australia, an unang hakbang ay ang pagkuha ng mga kinakailangang dokumento na isusumite na lamang online sa Immi Account ng Australian Government Department of Home Affairs.
Ang mga papeles na ito ay ang inyong pagkakakilanlan tulad ng passport, birth certificate (at kung naiba ang pangalan dahil sa kasal ay pati marriage certificate), Philippine national identification card (harap at likod), at iba pang kayo ay mayroon.
Maliban sa pagkakakilanlan, kailangan ring ipunin at ihanda ang mga dokumentong magpapatunay ng kabuhayan o trabaho o kasalukuyang estado, kung estudyante man o retirado. Kung isang empleyado, ang katapat na mga dokumento nito ay ang Certificate of Employment and Compensation o COEC, anim na buwang mga payslip, company ID, at Annual Income Tax Return. Bilang pagpapatunay naman ng pagkakaroon ng pagkukunan ng pondong panggastos abroad ay kailangang kumuha ng bank certificate na nagpapakita ng anim na buwang average daily balance, at anim na buwang bank statement.
Kung isang rehistradong propesyonal o consultant naman tulad ko ay kailangan rin ng Certificate of Consultancy and Compensation mula sa kumpanyang inaalalayan (kung mayroon), Annual Income Tax Return o BIR Form 2307, rehistrasyon sa mga sangay ng pamahalaan kung saan obligado ang pagpaparehistro, at ang katibayang may pondo sa bangko gaya na ng aking naunang nabanggit.
Kung may kulang naman na mga dokumento tulad ng COEC ay kailangan ng pirmadong sulat ng paliwanag ng nag-aaplay ng visa kung bakit hindi ito kayang maisumite sa kasalukuyan.
Kung may mga patunay ng ari-arian tulad ng Transfer Certificate of Title o Condominium Certificate of Title at credit card statements sa loob ng nakaraang anim na buwan ay may ambag itong tulong.
Hindi ninyo na kailangang magpakuha ng litrato sapagkat sa biometrics collection na ito ng Visa Facilitation System o VFS isasagawa.
Kung may mga anak na gustong isama ay maaari kahit wala pa silang trabaho o estudyante pa lamang basta't may katunayan ang kanilang pagiging estudyante at kung wala namang mga dokumento ay ipaliwanag lamang ng maayos kung bakit sa pamamagitan ng pirmadong liham ng nag-applay.
Sa madaling salita, kailangan lamang patunayan sa pamamagitan ng mga dokumento na ang isang nag-aaplay ng visa ay nagdedeklara ng pawang katotohanan, walang intensiyong lumihis sa pakay, may "strong ties" o matibay na koneksyong nagtatali sa kanya sa Pilipinas na kanyang kailangang balikan, at may pondong gagamitin sa pagiging panandaliang turista sa pupuntahang bansa.
Kapag handa na lahat ng mga dokumentong ito, ay maaari nang lumikha ng sariling online account kung saan isusumite ang lahat ng dokumento (kapag pamilya ay maaaring sama-sama sa isang account) sa Australian Government Department of Home Affairs ImmiAccount (online.immi.gov.au), kung saan lilikha kayo ng sariling username at password. Madali lamang ang pag-navigate sa nasabing site basta't basahin lamang ng maigi ang mga hinihinging dokumento para mailagay ang mga ito kung saan dapat.
May sasagutang questionnaire na ilang pahina, na kadalasan ay "yes" or "no" at impormasyong nakapaloob sa mga dokumentong inihanda tulad ng passport no. at national ID no.
Kung pamilya kayong nag-aaplay ay sama-sama ninyong isumite ang aplikasyon bilang isang grupo o pamilya gamit angiisang "immi account". Ang visa application fee ay P9,000 (bawat visa).
Kapag ito ay naisumite na ay makatatanggap na kaagad ng email na nagsasabing kailangan ninyo nang magpa-biometrics collection sa loob ng 14 days. Naroon din ang guidance kung paano, na sa pamamagitan ng VFS.
Pipili lamang ng schedule sa VFS website at sa takdang araw ay dadalhin ninyo ang inyong current passport, at dalawang sulat na inyong natanggap patungkol sa iyong schedule at aplikasyon. Sa araw na iyon ay kukunan kayo ng biometrics at larawan ng VFS na kanila namang isusumite sa Australian government ng real time. P615 ang biometrics fee, samantalang kung gustong gumamit ng Premium Lounge ng VFS na may pakape at pabiskwit pa habang masarap na nakaupong naghihintay ay may bayad na mahigit na P4,300.
Kadalasan, tulad ng naranasan ng aking mga anak ay wala pang isang oras natanggap na nila ang kanilang visa, samantalang ang sa akin bilang kanilang nanay at tagasagot ng gastusin ay kinabukasan pa, marahil ay mas marami akong mga dokumentong kinailangangbusisiin.
Maliban sa pamamasyal sa Australia, pinahihintulutan rin ang maximum na tatlong buwang maikling pag-aaral o training sa nasabing bansa ang sinumang pinagkakalooban ng kanilang visitor visa (subclass 600).
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.




Comments