Mga kabataan ngayon, dapat unawain at pakinggan, hindi maliitin
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | February 13, 2026

Huwag hayaang ang paghihirap ay ituring sukatan ng tibay, o ang katahimikan ay tanda ng katatagan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media hinggil sa panukalang Children’s Safety in Social Media Act, tinawag ni Sen. Robin Padilla na “mahina” ang kabataan ngayon. Ang pahayag na ito ay salat sa empatiya at hiwalay sa reyalidad ng marami.
Ikinumpara ang kabataan ngayon sa kanyang henerasyon, iginiit na noong dekada 80s at 90s ay hindi uso ang salitang “depression” at natututo ang mga bata “sa kalsada,” hindi sa pamamagitan ng pag-iyak. Para sa senador, patunay ang pagbanggit ng kabataan sa kanilang mental health ng pagiging maramdamin at labis na pagkalulong sa social media. Dahil dito, isinusulong niya ang mas mahigpit na regulasyon, kabilang ang pagbabawal sa social media para sa mga menor-de-edad.
Ngunit ang hindi pagbanggit ng “depression” noon ay hindi nangangahulugang wala ito; ang usapin sa mental health ay matagal nang naroroon. Ang pagbabahagi ngayon ng kabataan ng kanilang karanasan ay hindi kahinaan, kundi lakas—hakbang tungo sa pag-unawa at pag-usad. Sa mga tahanang kulang sa suporta, sa mga paaralang kulang sa guidance services, at sa mga komunidad na binabagabag ng kahirapan, ang digital space ay nagiging daluyan ng boses at samahan.
Mahalaga ring marinig ang panig ng mga platform. Ayon kay Meta, hindi kinakailangan ang total ban dahil may karapatan ang mga bata sa digital participation, kasabay ng pananagutang titiyakin ang kanilang kaligtasan. Mas pagtutuunan nila ang balanseng proteksyon habang pinahihintulutan ang makabuluhang partisipasyon, lalo na sa mga edad 13 pataas.
Kung tunay na nais ng mambabatas na maging konektado sa taumbayan, dapat kilalanin na ang solusyon ay hindi panlalait kundi patakaran na may malasakit: mas matibay na child protection standards, digital literacy para sa magulang at guro, mental health services sa komunidad, at pananagutan ng mga platform.
Ang pagtuligsa sa kabataan ay hindi magbubunga ng kaligtasan; ang pakikinig at pag-unawa ang magbubuklod ng tiwala. Ang kinabukasan ay hindi pinagtitibay sa pamamagitan ng pangmamaliit, kundi sa paglikha ng mga espasyong ligtas—offline man o online—kung saan ang bawat bata ay may boses at proteksyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments