top of page

Mga kabataan, bibigyan ng mas malawak na suporta at oportunidad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 20
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | March 20, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Bilang Chairman ng Senate Committees on Youth at on Sports, nagsagawa tayo ng pagdinig noong March 17 upang talakayin ang kalagayan ng kabataan—lalo na pagdating sa edukasyon, sports, at mental health. Mahalaga sa akin ang ganitong mga pag-uusap dahil malinaw na ang kinabukasan ng bansa ay nakasalalay sa kung paano natin inaalagaan ang ating mga kabataan ngayon.


Alam natin na ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan. Sila ang susunod na mga lider, manggagawa, innovator, at lingkod-bayan. Kung anuman ang magiging direksyon ng bansa, doon din ito huhubog sa kung anong klaseng suporta, oportunidad, at gabay ang ibibigay natin sa kanila habang bata pa sila. Kaya bilang senador, hangad ko na ang bawat kabataang Pilipino ay may pagkakataong matuto, umunlad, at magtagumpay sa buhay.


Sa usapin ng edukasyon, patuloy kong isinusulong ang mas malawak na access para sa kabataan. Bilang isa sa mga may-akda at co-sponsor ng Senate Bill No. 514, itinutulak ko ang pagpapalakas ng Tertiary Education Subsidy upang matiyak na ang tulong ay napupunta sa mga estudyanteng tunay na nangangailangan, bilang pagpapatuloy ng libreng edukasyon sa kolehiyo na ipinaglaban ko noon at naisakatuparan sa ilalim ng Republic Act No. 10931 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Naging malaking hakbang ang batas na ito tungo sa pantay na oportunidad at mas magandang kinabukasan para sa kabataang Pilipino. Milyun-milyong kabataan na po ang nag-benefit mula rito, at inaasahan natin na mas marami pang matutulungan by expanding the capacity of schools. 


Itong batas na ito, muntik na nga pong ma-veto, parati naman pong kumokontra ang mga finance managers tuwing may karagdagang gastos po ang gobyerno, pero bilang Special Assistant to the President noon, ipinaglaban natin ito at kinausap natin si Chairman Popoy de Vera na ipaglaban ito, dahil alam namin ang kahalagahan nito. Mayroon nga pong free tuition or scholarship sa Davao na isang siyudad, mas lalong importante ito sa buong Pilipinas.

Sa huli, nanaig po ang ating ipinaglaban.


Isa rin sa mga hakbang dito ang pagsusulong ng Senate Bill No. 1894 na layong palawakin pa ang free tertiary education. Layunin nito na ang mga mahihirap na estudyante ay awtomatikong makakakuha ng tertiary education subsidy, kahit pa sila ay mag-aral sa private higher education institutions kung walang available na pampublikong paaralan sa kanilang lugar.


Sa larangan naman ng sports, ipinaglaban natin bilang author at co-sponsor ang Republic Act No. 11470 na nagtatag sa National Academy of Sports, upang mabigyan ng pagkakataon ang mga student-athletes na pagsabayin ang pag-aaral at pagsasanay. Palagi nating paalala: Get into sports, stay away from drugs, to keep us healthy and fit!


Bilang health reforms crusader, mahalaga sa akin hindi lang ang physical kundi pati ang mental health ng ating kabataan.


Sinuportahan din natin ang RA 11036 o ang Philippine Mental Health Act, na naglalayong dalhin ang mental health services hanggang sa antas ng barangay at maisama ito sa mga programa sa paaralan at komunidad. Ngunit sa aktwal na implementasyon, nakikita pa rin ang kakulangan.


Kaya naman sinuportahan ko rin bilang isa sa mga authors at co-sponsor ang RA 12080 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act na nag-uutos ng pagtatatag ng Care Centers sa bawat pampublikong paaralan upang mabantayan ang kalagayan ng mga estudyante. Mayroon din akong panukalang Senate Bill No. 176 na naglalayong magtatag ng Mental Health Offices sa lahat ng State Universities and Colleges (SUCs).


Dahil dito, tinalakay din natin ang SBN 258 at SBN 1948 na naglalayong itatag ang Youth Suicide Prevention Act. Kabilang sa mga panukala ang paglalagay ng Life Planning Education sa kurikulum at ang pagkakaroon ng psychologist sa bawat paaralan upang maagapan ang mga kabataang nangangailangan ng tulong.


Malaki pa ang kakulangan ng bansa sa mental health professionals. Nanawagan din tayo sa Department of Budget and Management na bigyang prayoridad ang pagpondo sa ganitong mga programa. Imbes na matulog lamang ang pondo ng National Youth Commission, sana ay magamit ito sa mga inisyatibang susuporta sa ating kabataan.


Pera po ng taumbayan ‘yan. Hindi natin pwedeng hayaang matulog o mawala nang hindi napapakinabangan.


Samantala, upang lalo pang makatulong sa mga Pilipinong nangangailangan, personal nating tinulungan ang 349 na pamilyang naapektuhan ng sunog sa Tondo, Maynila noong March 12, kung saan nagtungo tayo mismo sa ground zero at sinuri ang kalagayan ng mga pamilya.


Dahil ang March ay isang mahalagang panahon para sa pagpapalakas ng kamalayan sa fire prevention, hinihikayat ko ang mga lokal na pamahalaan at ang publiko na magtulungan sa pagpapatibay ng mga hakbang sa kaligtasan laban sa sunog. Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagsisikap at maagap na lehislasyon, layunin nating makabuo ng mas ligtas at mas handang bansa.


Maliban pa riyan, nakibahagi rin ako sa Liga ng mga Barangay Northern Samar Provincial Chapter Congress kung saan binigyang-diin ko ang kahalagahan ng maayos na pamamahala ng datos at digitalization para sa mas mabilis na serbisyo sa mga komunidad. 


Tuluy-tuloy din ang pagtulong ng aking team sa ating mga kababayan sa grassroots level habang umaalalay sila sa mga biktima ng sunog sa Pasay City at Quezon City.


Mayroon ding mga iskolar tayong natulungan mula sa Bacolod at Lala sa Lanao del Norte, at sa Kalayaan, Laguna.


Bukod dito, nabigyan din natin ng karagdagang tulong ang mga biktima ng ashfall mula sa Mt. Kanlaon sa La Carlota City at Bago City.


Ipagpapatuloy ko ang pagiging lingkod ninyo sa pagpapatupad ng mga programang makatutulong sa sambayanang Pilipino, dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page