Mga ibinibentang laruan, dapat may safety label
- BULGAR

- 5 days ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 9, 2026

Dear Chief Acosta,
Dahil nauso ang pagbibigay ng regalo sa mga bata noong panahon ng Kapaskuhan, nais ko lamang malaman kung may batas ba tayo patungkol sa paglalagay ng mga “safety labeling” sa mga nasabing produkto? Salamat sa iyong magiging tugon.
— Camilla Cruz
Dear Camilla Cruz,
Ang kasagutan sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 4 ng Republic Act (R.A.) No. 10620 o kilala rin sa tawag na “Toy and Game Safety Labeling Act of 2013,” kung saan nakasaad na:
“Section 4. Labeling Requirements for Toys and Games. – All toys and games locally or internationally manufactured that are imported, donated, distributed and sold in the Philippines shall comply with the appropriate provisions on safety labeling and manufacturer’s markings found in the Philippine National Standards (PNS) for the safety of toys: Provided, That this shall not apply to toys and games which are not intended for children including, but not limited to, memorabilia or collectibles: Provided, further, That the Department of Trade and Industry (DTI) shall cause the effective dissemination of the PNS in both the traditional form of mass media and the internet to guide manufacturers, retailers, distributors and various sellers.”
Masusuri sa nasabing probisyon ng batas ang kasagutan sa iyong katanungan. Nabanggit sa Seksyon 4 ng R.A. No. 10620 na ang mga laruan o, larong lokal o internasyonal na ginawa, at inangkat, ibinigay, ipinamahagi, at ibinenta sa Pilipinas, ay dapat sumunod sa naaangkop na mga probisyon hinggil sa safety labeling at mga marka ng manufacturer na makikita sa Philippine National Standards (PNS) para sa kaligtasan ng mga laruan. Gayunman, hindi ito naaangkop sa mga laruan at laro na hindi inilaan para sa mga bata, kabilang ang mga memorabilias o collectibles. Karagdagan dito, inaatasan ang DTI na magsagawa ng epektibong pagpapakalat ng PNS sa parehong tradisyonal na anyo ng mass media at sa internet upang gabayan ang mga tagagawa, retailer, distributor at iba't ibang nagbebenta.
Ang nabanggit na batas ay angkop din sa polisiya ng gobyerno na ang mga bata, dahil sa kanilang pisikal at mental na kawalan ng gulang, ay nangangailangan ng espesyal na pangangalaga. Kung kaya, ang obligasyon ng gobyerno ay siguruhin ang karapatan ng mga bata sa wastong pangangalaga at espesyal na proteksyon mula sa lahat ng anyo ng kapabayaan at iba pang mga kundisyong nakapipinsala sa kanilang pag-unlad. Tinitiyak din ng gobyerno ang proteksyon ng mga bata laban sa mga potensyal na panganib sa kanilang kalusugan at kaligtasan sa pamamagitan ng pag-aatas ng espesyal na tatak ng mga laruan at laro.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.







Comments