top of page

Mga hamon sa buhay ng kabataang bagong gradweyt

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | February 6, 2026



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Panahon ng midyear commencement exercises o graduation ang linggong ito. Marami-rami rin ang mga mag-aaral na nagsipagtapos na ng kani-kanilang kurso na binuno ng apat o mahigit pang mga taon. Nagsisitalunan sa tuwa matapos nilang makuha sa wakas ang pinaghirapang diploma, habang ang iba ay may medalya pa. 


Ngunit ang katanungan: Makakakuha ba agad sila ng trabahong kanilang napupusuan? Gaano katagal sila makikipagbuno sa kakaunting job openings na kadalasan ay may mga kakilala sa loob o rekomendasyon ang pinapaboran ng pagkakataon? At kung matanggap naman sa trabaho, sapat ba ang susuwelduhin para makaraos nang hindi nanggigitata? O kulang pa ba ito sa pantustos sa transportasyon, pagkain at iba pang mga pangangailangan? 


Bukod pa r’yan, ang trabaho kayang iyan ay tatratuhin sila nang maayos o sobra-sobra sa walong oras lagi ang kailangang gugulin na hindi na nararapat?


Para sa mga naging madali ang paghahanap sa unang trabaho ay isang umaatikabong palakpakan at pagsaludo. Sapagkat hindi iilan ang natagalan ng labis o hanggang ngayon ay hindi pa makakita ng mailap at maayos na trabahong angkop sa tinapos. 


Naalala ko tuloy ang kinuha kong dating tagapag-alaga ng aking noo'y maliit pang anak. Siya ay nakatapos ng kolehiyo ngunit minabuting mag-apply bilang yaya kaysa magdildil ng asin o maging pabigat sa mahirap ring magulang. Hanggang sa ipinasok na namin siya ng trabahong angkop sa kanyang pinag-aralan upang ito naman ay magamit niya. 


Samantala, galing lamang tayo sa isang tanggapan ng gobyerno kanina at naikuwento sa atin ng ating sinadya na hanggang ngayon ay hindi pa muling tinatawagan ang kanyang pamangkin ng inaplayan nitong tanggapan. Nainterbiyu na ngunit wala pang kasunod na hakbang. 


Sa aming pagkukuwentuhan ng aking bunsong anak na nagtapos noong isang taon, marami sa kanyang mga nakakausap at nakakasalamuhang kabataang kakatanggap lamang sa trabaho ang hirap pagkasyahin ang suweldo. Paano ba naman, upa pa lamang sa tirahan ay sampung libo na.


Kung may kahati sa pag-upa ay tig-limang libo lamang. Kung uuwi ka naman sa bahay ng iyong magulang na malayo sa iyong pinagtatrabahuhan ay labis na nakakapagod. O may tsantsa pang hindi ka na tuluyang makarating sa opisina lalo na tuwing Lunes na pahirapan ang pagkokomyut. 


Kaya naman, hindi na nakapagtatakang mangibang-bayan agad ang naiisip ng ating mga kabataan sa gitna ng mga hamon sa paghanap ng maayos na trabaho, tamang suweldo, pantay na oportunidad sa pinagtatrabahuhan. 


Nakakalungkot isipin, na hanggang ngayon ay nakasalalay ang ekonomiya ng Pilipinas sa services sector at ipinadadalang salapi ng mga Pilipinong nasa ibang bayan at tinutustusan ang kani-kanilang pamilya rito sa atin. Nakakalungkot pagmuni-munihin na wala pa ring ibubuga ang sektor ng manufacturing sa ating bansa, na hindi ito nalinang o napagyaman, na malaki sanang tulong sa pag-angat ng ating ekonomiya. 


Kaya naman, ang mga bagong gradweyt ay inaasahang haharap sa hindi malamang paraan para piliting mapagkasya ang kanilang buwanang kita. Na ‘yung akala mong giginhawa ka kahit paano pagkakuha ng diploma ay mapapakamot ka ng ulo, sapagkat haharapin mo ang reyalidad na mahirap ang makipagsapalaran sa Pilipinas. Lalo na kung nagsisimula ka pa lamang sa iyong tatahaking kapalaran. 


Oo, ang ating kabataan ang pag-asa ng bayan, ngunit kailangang ibigay ng ating lipunan sa kanila ang patas na pagkakataong yumabong, mamunga, at magsilbing ilaw ng pag-asa sa susunod na mga henerasyon.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page