top of page
Jericho Rosales Official - IG.jpg

Mga doktor, social worker na sangkot sa 6 milyon pekeng PWD ID, tuluyan

Writer: BULGAR
BULGAR
5 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | October 10, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa bawat diskuwentong nakukuha sa pamamagitan ng pekeng Persons with Disability (PWD) ID, may katumbas itong lugi na hindi lang sa negosyo nararamdaman, kundi pati sa pamahalaan at sa taumbayang umaasa sa tapat na paggamit ng pondo at serbisyong panlipunan. 


Ang pribilehiyong inilaan para sa mga tunay na nangangailangan ay hindi dapat gawing paraan para makatipid ang mga taong walang karapatang makinabang dito.


Tinatayang anim na milyong Pilipino ang gumagamit ng pekeng PWD ID, isang bilang na ikinababahala ng Department of Justice (DOJ). Batay naman sa datos ng National Council on Disability Affairs (NCDA), nasa 2.8 milyon lamang ang mga taong may kapansanan, samantalang umaabot sa 8.5 milyon ang may hawak ng PWD ID. Malaki ang agwat ng mga bilang na ito at nararapat lamang na siyasatin upang matukoy kung saan nagmumula ang problema.


Hindi simpleng usapin ng paglabag sa patakaran ang pandarayang ito. Sa bawat maling paggamit ng diskuwento, may nawawalang kita ang mga negosyante at buwis na dapat sana ay napupunta sa pamahalaan. Halimbawa, sa bawat P1,200 na bill sa isang restaurant, tinatayang P50 ang nawawalang buwis ng gobyerno at P120 naman ang katumbas na lugi ng may-ari ng negosyo dahil sa paggamit ng pekeng ID.


Maaaring maapektuhan ang operasyon ng mga negosyo at ang kakayahan ng pamahalaan na pondohan ang mga serbisyong kailangan ng publiko. Higit sa lahat, nadadamay ang mga lehitimong PWD na umaasa sa diskuwento upang mabawasan ang kanilang gastusin sa pagkain, gamot at iba pang pangangailangan.


Dahil dito, humihingi ng tulong ang NCDA sa DOJ upang mapalakas ang pagtugon sa problema. Habang wala pang bagong sistemang magbibigay-daan sa mas mabilis na pagtukoy kung lehitimo ang isang PWD ID, na maaaring abutin ng tatlong taon bago maipatupad, maaaring makipag-ugnayan ang mga restaurant sa kinauukulang lokal na pamahalaan upang beripikahin ang rekord ng ID holder.


Ayon sa DOJ, maaari ring magsampa ng kaso ang mga negosyanteng nabiktima ng paggamit ng pekeng ID, kabilang ang falsification of documents at estafa. Posible ring managot ang doktor o social worker na nag-isyu ng pekeng dokumento. Gayunman, kailangang tiyaking dumaraan sa tamang proseso ang beripikasyon at hindi napapahiya o napagbibintangan ang mga lehitimong PWD.


Hindi sapat ang pagdakma sa mga gumagamit ng pekeng ID. Kailangang imbestigahan din kung paano nakakakuha ng ganitong dokumento, sino ang nag-iisyu nito, at paano nakalulusot ang mga mapanlinlang na rekord. Dapat magkaroon ng maaasahang sistema ng beripikasyon, malinaw na proseso ng pagrereklamo at pananagutan para sa lahat ng mapatutunayang sangkot.


Ang tunay na diskuwento ay hindi lamang tungkol sa perang natitipid, kundi sa paggalang sa karapatan ng mga taong may kapansanan. Kapag inabuso ang pribilehiyong ito, ang mga tunay na nangangailangan ay posibleng mawalan ng tiwala at mahirapang makinabang sa serbisyong para sa kanila.


Ang pagiging tapat ay hindi dapat nakabatay sa kung may nakatingin o kung mahuhuli. Responsibilidad ng bawat isa na igalang ang batas at huwag angkinin ang benepisyong hindi naman para sa kanila. Sa ganitong paraan, napoprotektahan hindi lamang ang kaban ng bayan at kabuhayan ng mga negosyo, kundi pati ang dignidad at karapatan ng mga lehitimong PWD.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page