top of page

Mga dapat sundin sa pre-nuptial agreement bago ikasal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 29, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta, 


Nagpaplano na kami ng boyfriend ko na magpakasal. Magkasintahan pa lang kami ay bukas na ang aming isipan sa pagkakaroon ng pre-nuptial agreement dahil nirerespeto namin ang personal na pag-aari ng isa’t isa. Gusto sana namin na kung anuman ang naipundar namin bago kami mag-asawa ay magiging sariling pag-aari ng isa’t isa. Maaari po ba namin itong gawin? — Arianne





Dear Arianne,


Ang pagkakaroon ng isang pre-nuptial agreement ay hindi ipinagbabawal ng batas at maaaring magkaroon ng bisa. Kailangan lang na ito ay sang-ayon sa mga ipinag-uutos ng batas. Tulad ng nakasulat sa Article 1 ng Family Code of the Philippines:


“Article 1. Marriage is a special contract of permanent union between a man and a woman entered into in accordance with law for the establishment of conjugal and family life. It is the foundation of the family and an inviolable social institution whose nature, consequences, and incidents are governed by law and not subject to stipulation, except that marriage settlements may fix the property relations during the marriage within the limits provided by this Code.”


Kaya naman, maaaring pag-usapan ng mga taong ikakasal kung gusto ba nila na magkaroon ng pre-nuptial agreement.  Ang tanong ngayon ay kailan dapat ginagawa ang pre-nuptial agreement? 


Ayon sa Artikulo 77 ng Family Code of the Philippines: 


“Art. 77. The marriage settlements and any modification thereof shall be in writing, signed by the parties and executed before the celebration of the marriage. They shall not prejudice third persons unless they are registered in the local civil registry where the marriage contract is recorded as well as in the proper registries of properties.”


Samakatuwid, para magkabisa ang isang pre-nuptial agreement, kailangang ito ay nakasulat, pirmado ng parehas na partido, at kailangang gawin bago sila ikasal. Kung sakaling may gusto silang baguhin sa nauna nilang pinagkasunduan ay kailangang gawin nila ito bago sila ikasal. 


Sa iyong sitwasyon, kung gusto mo at ng iyong mapapangasawa na magkaroon ng kasunduan hinggil sa magiging hatian ng inyong mga pag-aari sa oras na kayo ay ikasal, maaari kayong gumawa ng kasunduan o pre-nuptial agreement bago kayo ikasal, basta’t sundin lamang ang mga nakasulat sa batas. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page