Mga cong na bumotong pabor sa impeachment, lagot kay VP Sara ‘pag nanalo sa 2028 Election
- BULGAR

- 13 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 9, 2026

MALAMANG AY SI CONG. MARTIN ROMUALDEZ NA LANG ANG MATIRA SA LAKAS-CMD SA KAMARA KASI NAGLILIPATAN NA SA IBANG POLITICAL PARTY ANG MGA KAPARTIDO NIYA – Noong hindi pa nabubunyag ang flood control scandal, umaabot sa 110 ang kongresistang miyembro ng Lakas-CMD na pinamumunuan noon ni dating Speaker Martin Romualdez sa Kamara.
Ngunit matapos mabunyag ang umano’y anomalya sa mga flood control projects at sumunod na mga kaganapang politikal na nagbunsod ng kanyang pagkakatanggal bilang Speaker, lumabas na 40 miyembro ng partido ang kumalas at lumipat sa iba’t ibang political party.
May mga ulat din na ang ilan pang natitirang miyembro ay naghahanap na rin ng posibleng lilipatang partido, kaya’t hindi inaalis ang posibilidad na sa mga susunod na araw ay lalo pang lumiit ang Lakas-CMD, hanggang sa posibleng matira na lamang ang dating lider nito. Abangan!
XXX
WALANG IPINAGKAIBA SI PBBM SA MGA NAGDAANG PRESIDENTE, PALAUTANG DIN PALA SIYA! – Mula sa dating ₱18.16 trilyon na utang, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr) ay umabot na ngayon sa P18.49 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas sa iba’t ibang financial institution sa mundo.
Patuloy ang pagtaas ng utang ng bansa, na nagpapakita ng malaking hamon sa pamahalaan sa pagtugon sa lumalaking gastusin at pangangailangan ng ekonomiya. Tsk!
XXX
MAKAKALUSOT SI VP SARA SA IMPEACHMENT SA SENADO KUNG POPROTEKSYUNAN SIYA NG MAJORITY PRO-DUTERTE SENATORS – Ayon kay Sen. Ping Lacson, kahit maisampa ng Kamara sa Senado ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, may posibilidad na hindi ito umusad at hindi matuloy ang paglilitis kung mayorya ng mga senador ang boboto na isantabi ito.
Ipinunto niya na nakasalalay pa rin sa magiging desisyon ng karamihan ng mga senador kung itutuloy o hindi ang impeachment proceedings. Period!
XXX
KAPAG NAGING PRESIDENTE SI VP SARA, LAGOT ANG 215 CONG. NA BUMOTO PARA MA-IMPEACH SIYA – Sinabi ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na nasa 215 na kongresista na ang sinasabing bobotong pabor sa impeachment ni VP Sara Duterte.
Samantala, may mga pahayag na kumakalat sa publiko kaugnay ng posibleng magiging epekto nito sa darating na halalan, ngunit nananatiling haka-haka lamang ang mga ganitong sitwasyon at wala pang tiyak na kinalabasan. Boom!




Comments