top of page

Mga benepisyo sa kalusugan ng apple cider vinegar

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 3 min read

ni PAO Deputy Chief Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | April 1, 2026



Sabi ni Doc - Apple Cider Vinegar


Dear Doc Erwin,


Magandang araw, Doc. Ako po si Wendy, 41 taong gulang at isang regular na mambabasa ng BULGAR, lalo na ng inyong Sabi ni Doc column. Malaking tulong po sa amin ang inyong mga payo at kaalaman tungkol sa kalusugan. 


Nais ko lamang pong humingi ng payo tungkol sa aking naranasan dahil ako po ay may diabetes at madalas na makaranas ng paulit-ulit na impeksyon sa puwerta na nakakaapekto na sa aking pang-araw-araw na gawain. Dahil dito, napapadalas po ang aking pagkonsulta sa doktor at pag-inom ng antibiotics, kaya nag-aalala rin po ako sa maaaring maging epekto nito kung palagi itong ginagamit. 


Doc, ligtas po ba ang apple cider vinegar para sa isang babaeng may diabetes tulad ko? Ano po ang tamang paraan ng paggamit nito, at mayroon po ba itong ibang benepisyo o posibleng side effects at mga pag-iingat na dapat tandaan bago ito gamitin? Maraming salamat po at umaasa akong mabibigyan ninyo ng pansin ang aking katanungan. 


— Wendy





Lubos akong nagpapasalamat sa iyong liham, Wendy, at sa iyong patuloy na pagtangkilik sa “Sabi ni Doc” at sa pagbabasa ng BULGAR newspaper. 

Ang apple cider vinegar (ACV) ay isang likas na fermented na produkto na nagmula sa mansanas at kilala na may malakas na antibacterial na katangian. Naglalaman din ito ng mga sangkap na maaaring kumilos bilang probiotics na tumutulong sa pagpapanumbalik ng balanse ng mga mabubuting mikrobyo sa katawan. Ang impeksyon sa puwerta dahil sa hindi balanseng normal flora ay isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng labis na pagdami ng bacteria, fungi tulad ng yeast, o parasites sa loob ng puwerta na maaaring magdulot ng iritasyon at iba’t ibang sintomas. Karaniwang nangyayari ito kapag nagkaroon ng pagbabago o kawalan ng balanse sa mga mabubuting mikrobyo na natural na matatagpuan sa bahaging ito ng katawan.


Ayon sa Novel Research in Microbiology Journal na nalathala noong 2022, ipinakita sa pag-aaral na ang apple cider vinegar ay maaaring magpababa ng pagdami ng E. coli, isang uri ng bakterya na nagdudulot ng impeksyon, habang pinapaboran ang paglago ng Lactobacillus acidophilus. Ito ay isang mabuting bakterya na mahalaga sa pagpapanatili ng normal flora ng puwerta. Dahil dito, maaaring makatulong ang paggamit nito sa pagpapanumbalik ng balanse ng mga mikrobyo at sa pagpapabuti ng mga sintomas ng impeksyon. Mayroon ding nadiskubreng mga karagdagang benepisyo sa kalusugan ang apple cider vinegar ayon sa British Journal of Medical & Health Sciences (BJMHS) noong 2023. Ipinakita sa ilang pag-aaral na bukod sa antibacterial at antifungal na katangian, maaari rin itong makatulong sa pagbawas ng timbang, pagpapanatili ng kalusugan ng puso, at pagkontrol ng blood sugar. 


May mga pananaliksik din na nagpapahiwatig na maaaring mayroon itong posibleng proteksyon laban sa ilang sakit tulad ng kanser at Alzheimer’s disease. Sa pag-aaral naman nina Casiple-Solas at Mercado (2018), natuklasan na ang pag-inom ng apple cider vinegar bago matulog ay maaaring makatulong sa pagpapababa ng fasting blood sugar at blood sugar pagkatapos kumain, maging sa mga buntis na may gestational diabetes. Ipinakita ng resulta na malaki ang tulong nito sa pagkontrol ng asukal sa dugo kahit hindi ito direktang kaugnay ng pagkain. Sinusuportahan din ito ng ibang pananaliksik na nagpapatunay na ang pag-inom nito bago magpahinga sa gabi ay nakatutulong sa pagpapababa ng blood sugar level paggising sa umaga.


Ang apple cider vinegar ay maaaring gamitin bilang pantulong na paraan sa pangangalaga sa impeksyon sa pamamagitan ng sitz bath o panlabas na paghuhugas na hinaluan ng tubig, ngunit tandaan na hindi ito dapat ipinapasok sa loob ng puwerta. Sa pag-inom naman, mahalagang laging i-dilute o ihalo ito sa tubig bago gamitin. Bagama’t may mga benepisyo, maaari rin itong magdulot ng side effects tulad ng iritasyon sa lalamunan, pananakit ng tiyan, pagkasira ng enamel ng ngipin, at iritasyon sa balat kapag puro ang paggamit. Maaari rin itong makipag-interact sa ilang gamot gaya ng diuretics, insulin, at digoxin, at hindi inirerekomenda sa mga may acid reflux, ulcers, allergy sa apple products, o mababang potassium level. Ang karaniwang ligtas na dami ay isa hanggang dalawang kutsarita o hanggang isang kutsara na hinalo sa isang basong tubig, isang beses o dalawang beses sa isang araw. 


Kung paulit-ulit ang impeksyon o malala ang sintomas, manatiling maingat at mahalagang kumonsulta sa iyong doktor para sa tamang pagsusuri at mas malalim na paggamot.  (Dr. Eunice Anne G. Garcia, RPh, MD, CCS)



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page