Mga benepisyo ng mangosteen sa kalusugan
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni PAO Deputy Chief Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | April 6, 2026

Dear Doc Erwin,
Magandang araw! Ako si Elena, 41 taong gulang. Isa po akong masugid na tagasubaybay ng BULGAR newspaper, lalo na ng inyong Sabi ni Doc column. Malaki po ang naitutulong ng inyong mga payo at impormasyon tungkol sa kalusugan sa aming mga mambabasa.
Doc, nais ko lamang magtanong tungkol sa mangosteen capsule na matagal ko nang iniinom bilang daily supplement. Mahigit limang taon na akong gumagamit nito, ngunit aminado akong hindi ko pa rin ganap na nauunawaan kung ano talaga ang mga benepisyo nito sa katawan.
Nagsimula lamang akong uminom nito dahil may napanood akong commercial noon na nagsasabing marami raw itong mabuting epekto sa kalusugan, kaya naisip kong subukan at ipagpatuloy ang pag-inom nito. Gusto ko rin sanang malaman kung ano nga ba ang mga tunay na benepisyo nito. Ligtas ba itong inumin araw-araw sa mahabang panahon tulad ng ginawa ko? Mayroon po ba itong posibleng side effects o mga pag-iingat na dapat tandaan bago ito ipagpatuloy bilang supplement? Maraming salamat po at umaasa akong mabibigyan ninyo ng kasagutan ang aking mga katanungan. — Elena
Maraming salamat sa iyong liham, Elena, at sa iyong patuloy na pagsuporta at pagbabasa ng Sabi ni Doc sa BULGAR newspaper.
Ang mangosteen (Garcinia mangostana L.) ay isang tropikal na prutas na kilala hindi lamang sa masarap nitong lasa kundi pati sa mga sustansyang taglay nito na makakatulong sa kalusugan. Tinatawag din itong “queen of fruits” dahil sa kakaibang sarap at sa mga benepisyong maaaring ibigay nito sa katawan. Sa ilang bansa sa Asya, matagal na rin itong ginagamit sa tradisyunal na medisina upang makatulong sa iba’t ibang karamdaman. Ang mangosteen, lalo na ang balat at laman nito, ay mayaman sa antioxidants na mahalaga sa pagpapanatili ng kalusugan. Bukod dito, naglalaman din ito ng iba’t ibang nutrients tulad ng vitamin C, dietary fiber, at ilang mahahalagang mineral na nakakatulong sa pagpapalakas ng ating immune system.
Batay sa artikulo ni Shahaban sa The Pharma Innovation Journal noong 2023, ang mangosteen ay kilala sa taglay nitong antioxidant properties na tumutulong sa pagprotekta sa mga selula ng katawan laban sa pinsalang dulot ng free radicals—ang mga mapanganib na molecules na nakakasira ng selula. Dahil dito, maaaring makatulong ang mangosteen sa pag-iwas sa ilang uri ng kanser at sa pagpapanatili ng pangkalahatang kalusugan. Ang taglay din nitong anti-inflammatory properties ay malaking tulong sa mga kondisyong tulad ng rayuma, allergies, at autoimmune diseases.
Ayon naman kina Ansori et al. (2020), ang mangosteen ay may antibacterial, antifungal, at antihyperglycemic properties na maaaring makatulong sa pagkontrol ng blood sugar at sa proteksyon ng mahahalagang mga organ tulad ng kidney at atay. Maaari rin itong magkaroon ng antiviral, antidepressant, at anti-obesity effects. Dagdag pa rito, ipinakita sa isang pag-aaral sa International Journal of Pharmaceutical Research and Applications (2024) na ang mga sangkap ng mangosteen ay may benepisyong anti-acne, anti-aging, at anti-hyperpigmentation. Pinag-aaralan din ang potensyal nito sa pamamahala ng mga kondisyon gaya ng Alzheimer’s disease, chronic kidney disease, at maging neuropathic pain.
Bagama't maraming benepisyo ang mangosteen capsule bilang dietary supplement, nararapat pa ring maging maingat sa paggamit nito. Mas mabuting kumonsulta muna sa doktor bago ito inumin, lalo na kung may iniinom na ibang gamot o may umiiral na karamdaman. Tandaan na hindi ito dapat gawing kapalit ng mga gamot na nireseta ng inyong doktor. Pinapayuhan din ang mga buntis at nagpapasuso na mag-ingat dahil kulang pa ang mga pag-aaral tungkol sa kaligtasan nito para sa kanila. May ilang tao na maaaring makaranas ng banayad na side effects tulad ng pananakit ng tiyan, pagduduwal, o allergic reaction gaya ng pangangati at pantal. Maaari rin itong makipag-interaksyon sa mga gamot na pampalabnaw ng dugo (blood thinners) at gamot para sa diabetes. Karaniwan, ang inirerekomendang dosis ay 500 mg hanggang 1,000 mg bawat araw, at mas mainam itong inumin pagkatapos kumain upang maiwasan ang iritasyon sa tiyan. Laging tandaan na ang mangosteen capsule ay suplemento lamang at hindi pangunahing lunas sa anumang sakit. (Dr. Eunice Anne G. Garcia, RPh, MD, CCS)
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com




Comments