top of page

Mga benepisyo at insentibo ng barangay micro business enterprise?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 10 hours ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 18, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ano ba ‘yung tinatawag na barangay micro business enterprises at ang mga rekisito upang maituring na isa? Totoo ba na may insentibo sa pagpapasahod ang isang barangay micro business enterprise? — Cheska





Dear Cheska, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa ating mga batas, espesipiko sa Republic Act (R.A.) No. 9178, o mas kilala sa tawag na “Barangay Micro Business Enterprises (BMBE's) Act of 2002.”  Nakasaad sa Seksyon 3 (a) ng nasabing batas ang kahulugan ng barangay micro business enterprise (BMBE), na nagsasaad:


“Section 3. Definition of Terms – As used in this Act, the following terms shall mean:


(a) "Barangay Micro Business Enterprise," hereinafter referred to as BMBE, refers to any business entity or enterprise engaged in the production, processing or manufacturing of products or commodities, including agro-processing, trading and services, whose total assets including those arising from loans but exclusive of the land on which the particular business entity's office, plant and equipment are situated, shall not be more than Three Million Pesos (P3,000,000) The Above definition shall be subjected to review and upward adjustment by the SMED Council, as mandated under Republic Act No. 6977, as amended by Republic Act No. 8289.


For the purpose of this Act, "service" shall exclude those rendered by any one, who is duly licensed (sic) government after having passed a government licensure examination, in connection with the exercise of one's profession.” 


Hinggil sa nabanggit, ang BMBE ay tumutukoy sa isang negosyo na ang kabuuang halaga ng mga ari-arian, kabilang ang mga nagmula sa utang, ngunit hindi kasama ang lupang kinatatayuan ng negosyo, ay hindi lalampas sa P3 milyon. 


Upang maituring na BMBE, kinakailangang taglayin ng negosyo ang mga sumusunod na rekisito:


  1. Uri ng Negosyo – ang negosyo ay dapat na nakikibahagi sa produksyon ng mga produkto o kalakal, pagpoproseso ng mga produkto, pagmamanupaktura o paggawa ng mga kalakal, agro-processing, kalakalan (trading), o pagbibigay ng serbisyo;


  1. Halaga ng Ari-arian – ang kabuuang mga ari-arian ng negosyo, kabilang ang mga nagmula sa utang, ngunit hindi kasama ang lupang kinatatayuan ng opisina, planta, o kagamitan, ay hindi lalampas sa P3,000,000;


  1. Hindi Saklaw ang Ilang Propesyonal na Serbisyo – hindi kabilang sa BMBE ang mga serbisyong ibinibigay ng mga taong lisensyado ng pamahalaan matapos makapasa sa government licensure examination kaugnay ng pagsasagawa ng kanilang propesyon; at


  1. Rehistrasyon – ang negosyo ay dapat nakarehistro sa lungsod o munisipalidad at nakatanggap ng certificate of authority bilang BMBE upang mapabilang sa talaan ng BMBE at makinabang sa mga pribilehiyong ibinibigay ng batas.


Dagdag din sa nasabing batas, binibigyan ng insentibo ang isang BMBE, sa anyo ng eksepsiyon mula sa saklaw ng batas ukol sa minimum wage (Seksyon 8 ng Republic Act No. 9178). Gayunpaman, ang nasabing eksepsiyon ay tumutukoy lamang sa minimum na sahod sa kadahilanan na ang lahat ng empleyadong sakop ng nasabing batas ay may karapatan sa parehong mga benepisyong ibinibigay sa sinumang regular na empleyado, tulad ng mga benepisyong ukol sa sosyal na seguridad at pangangalagang pangkalusugan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page