Mga bansang may US military base, tinarget ng Iran
- BULGAR

- 17 hours ago
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @World News | March 2, 2026

Photo: Ang lugar ng pagsabog sa Manama, Bahrain nitong Pebrero 28, 2026 - Reuters
Inihayag ng ilang bansa sa Middle East na tinarget sila ng Iranian missiles nitong Sabado matapos mangako ang Tehran na gaganti sila sa ginawang pag-atake naman sa kanila ng Amerika at Israel.
Iniulat ng state media sa United Arab Emirates na isang tao ang nasawi sa Abu Dhabi, ngunit walang ibinigay na detalye.
Ang Kuwait, Qatar, UAE, at Jordan — na pawang may base militar ng US — ay nagsabing naharang nila ang mga missiles ng Iran.
Kinumpirma ng Bahrain ang isang pag-atake sa loob ng teritoryo nito at sinabing tinamaan ang isang service center ng US Fifth Fleet.
May nakita rin na mga fighter jet na umiikot sa paligid ng Yas Island sa Abu Dhabi noong Sabado ng hapon.
Sa Qatar, sinabi ng militar sa isang pahayag na na-intercept nila ang mga missile ng Iran bago pa man ito makarating sa kanilang teritoryo. Ilang sunud-sunod na pagsabog ang narinig sa kabisera ng Qatar na Doha.
Sinabi naman ng Kuwaiti military na naharang nila ang missiles ng Iran sa himpapawid, habang sinabi ng Jordan na napabagsak nito ang dalawang ballistic missile ng Iran.
Iskul binomba, 100 patay
NASAWI ang hindi bababa sa 108 katao matapos ang umano’y isang malakas na pagsabog sa loob ng isang paaralan sa Iran.
Naganap ang insidente kasabay ng sunud-sunod at malawakang air strike ng United States at Israel laban sa naturang bansa noong Sabado.
Tinawag naman ni Iranian President Masoud Pezeshkian ang insidente bilang isang “barbaric act” at “another black page in the record of countless crimes committed by the aggressors.”
Gayunman, wala pang kumpirmasyon ang US at Israel hinggil sa umano’y pag-atake sa paaralan na matatagpuan malapit sa isang base ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC), na isa sa mga target ng mga air strike.
Dubai Airport, Burj Al Arab Hotel, sapul sa drone attack
NAGTAMO ng pinsala ang Dubai International Airport at ang iconic na Burj Al Arab hotel matapos ang overnight retaliatory attacks ng Iran na umabot sa iba’t ibang bahagi ng Gulf.
Apat ang sugatan sa paliparan habang nasunog ang bahagi ng panlabas na facade ng hotel dahil sa debris mula sa na-intercept na drone.




Comments