top of page

Mga aral ng EDSA para sa bagong henerasyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 28, 2026



Fr. Robert Reyes


Katatapos lang ng pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng People Power Revolution. Sa mga komentaryo sa social media, napansin ang mas kaunting bilang ng mga dumalo kumpara sa mga nagdaang kilos protesta laban sa korapsyon. Ilang katanungan ang lumilitaw: una, pagod na ba ang mamamayan sa pakikipaglaban? Pangalawa, mahina na ba o wala nang bisa ang diwa ng EDSA People Power Revolution? Subukan nating sagutin ito.


May ilan na pagod, ngunit mas tama sigurong sabihin na nahahati ang atensyon ng marami dahil sa sunod-sunod na mahahalagang pangyayari. Halimbawa, ang anunsyo ng Bise Presidente noong ika-18 ng Pebrero na tatakbo bilang Presidente sa 2028.


Maaga man ito, malinaw na bahagi ito ng stratehiya ng kanilang kampo sa paghahanda sa paglilitis ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nagsimula noong ika-23 ng Pebrero 2026. Kung pagpipilian ang dalawang isyu—ang ika-40 anibersaryo ng EDSA o ang paglilitis ni dating Pangulong Duterte—alin kaya ang mas hahatak sa atensyon ng nakararami? Dito rin nauugnay ang pangalawang tanong: ganon pa ba kalakas ang diwa ng EDSA People Power Revolution?Ilang milyong mamamayan ang ipinanganak sa nakaraang apat na dekada, at marami sa kanila ang halos walang kaalaman tungkol sa EDSA.


Noong 2025, idineklara ni Pangulong Bongbong Marcos sa Proclamation 1006, Series of 2025, na “ordinary working day” ang ika-25 ng Pebrero, kaya may trabaho at pasok. Bagamat maraming paaralan at unibersidad ang nagdeklara ng walang pasok, kulang ang hakbang na ito. Mahirap habulin ang nawalang interes sa nakaraang apat na dekada.


Paghahambing sa alaala ng HolocaustMatapos ang Ikalawang Pandaigdigang Digmaan, pinaigting ng mga Hudyo ang paggunita sa Holocaust—ang pagpapatay ni Hitler sa mahigit anim na milyong Hudyo—sa pamamagitan ng:

  1. Yom HaShoah – Araw ng Paggunita sa Holocaust.

  2. Sirena at Katahimikan – Sa ika-10 ng umaga, tutunog ang sirena at titigil ang lahat ng dalawang minuto bilang paggunita sa mga biktima.

  3. Pag-sindi ng anim na kandila bilang alaala.

  4. Seremonya at Panalangin – Pagbasa ng pangalan ng mga biktima at pag-awit ng tradisyonal na awit.

  5. Mga Paaralan – Zikaron Basalon: pag-aaral at pagninilay sa mga karanasan ng nakaligtas.

  6. Museo at Monumento – Pagbisita sa Yad Vashem sa Israel o USHMM Museum sa Washington D.C.

  7. Martsa ng mga Buhay mula Auschwitz hanggang Birkenau.

  8. Kristallnacht – Paggunita sa pagtindi ng persekusyon sa mga Hudyo noong ika-9–10 ng Nobyembre.


Hindi lamang alaala ang ginagawa nila; malalim na pagbabalik-tanaw, pagninilay, panalangin, at edukasyon ang bahagi nito. Dahil dito, ang Holocaust ay hindi simpleng alaala kundi isang buhay na kamalayan at puwersa ng pagmamahal sa kasaysayan, kasarinlan, at dangal ng Israel.Sa apat na dekada mula nang maganap ang EDSA, kulang ang malinaw na pag-aaral, pagpapaalala, at pagpapahalaga sa mga aral ng Diktadurya at Batas Militar. Kaya hindi dapat ipagulat ang matamlay na paggunita sa EDSA People Power Revolution ngayon. Sinuman ang magiging presidente sa 2028 ay kailangang magpahalaga sa kasaysayan, kasarinlan, at kadakilaan ng lahing Filipino.


Nakarating na sa atensyon ng Pangulo ang pangarap ng mamamayan na magkaroon ng Truth Commission. Bagamat tututukan nito ang administrasyong Duterte, magiging mahalaga rin itong hakbang sa paghahanap ng katotohanan sa lahat ng nagdaang administrasyon.Hindi tayo pagod. Hindi tayo lito. Hindi natin binabalewala ang mahahalaga. Tungkulin ng pamahalaan ang magpaalala, magturo, at magpalalim sa pag-unawa sa kasaysayan. Kung hindi ito gagawin ng pamahalaan, responsibilidad ng ibang sektor tulad ng paaralan at simbahan ang kumilos.


Ayon kay Archbishop Soc Villegas sa kanyang homiliya sa EDSA Shrine noong ika-25 ng Pebrero 2026, kung pinairal ni Duterte ang pagpatay sa karaniwang mamamayan, naging bunga rin nito ang pagpatay sa moralidad. Hindi lang ang presidente ang may pananagutan kundi lahat ng pumapalakpak at humahanga sa karahasan. Hindi lamang programa sa pag-aaral ang kailangan, kundi paghilom sa kamalayan at kalooban ng nasugatan. Amen.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page