top of page

Mga aksidente ngayong Semana Santa, maging aral sana

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 days ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | April 6, 2026



Boses by Ryan Sison


Sa pagtatapos ng Semana Santa, nawa’y magsilbing paalala ang mga nagdaang araw na mag-ingat sana sa bawat paglalakbay at galaw, lalo na sa panahong inilaan para sa pahinga at pagninilay.


Sa halip na katahimikan, tila ingay ng sirena at balitang aksidente ang bumungad ngayong tapos na ang Semana Santa, matapos iulat ng Department of Health (DOH) na umabot na sa 1,091 ang naitalang road crash incidents mula Marso 29 hanggang Abril 2, batay sa datos ng 161 ospital sa buong bansa.


Kung ikukumpara sa 437 kaso noong kaparehong panahon noong nakaraang taon, lumalabas na tumaas ito ng 150 porsyento, bilang na hindi basta-basta maaaring balewalain. Gayunman, ayon sa DOH, hindi agad nangangahulugan na dumami ang aksidente, dahil posibleng mas naging masinop lamang ang mga ospital sa pag-uulat ng mga insidente. 


Sa kabila nito, malinaw na may mas malalim na dapat tingnan—ang kaligtasan ng bawat Pinoy sa kalsada.


Sa rehiyon, nanguna ang Central Luzon na may 196 kaso, sinundan ng Davao Region na may 161 at Ilocos Region na may 159. Karamihan sa mga sangkot ay kalalakihan, umabot sa 738, at ang pinakaapektadong edad ay 20 hanggang 24 taong gulang. 

Pagdating sa pinsala, karaniwang natamo ang abrasion, open wound, laceration, contusion, fracture, at avulsion. 


Mas nakababahala, 944 sa mga biktima ang walang suot na anumang safety gear. Nangibabaw din ang mga motorista, partikular ang mga naka-motorsiklo na umabot sa 783, habang may 118 na kaso ang may kaugnayan sa pagkalasing. 


Hindi rin ligtas ang mga pedestrian na nadadamay sa ganitong mga insidente.

Sa ilalim ng Code White na ipinatupad noong Marso 30 hanggang ngayong araw, Abril 6, nananatiling nakaantabay ang mga ospital at emergency teams upang tumugon sa anumang sakuna. Ngunit kahit gaano kahanda ang sistemang medikal, hindi nito kayang palitan ang disiplina at pag-iingat ng bawat isa sa kalsada.


Ang paggunita sa Semana Santa ay hindi lamang tungkol sa tradisyon at bakasyon. Isa rin itong paalala ng sakripisyo at responsibilidad, lalo na sa kapwa. 


Kung tunay nating pinahahalagahan ang buhay, dapat magsimula ito sa simpleng pagsunod sa batas-trapiko, paggamit ng helmet at seatbelt, at pag-iwas sa pagmamaneho nang lasing o padalus-dalos.


Ang kaligtasan ay hindi ipinauubaya sa pagkakataon. 


Ito ay pinipili—araw-araw, sa bawat biyahe. Sa dami ng aksidente, malinaw na hindi sapat ang dasal kung kulang sa disiplina. 


Sa kalsada, ang buhay ay walang rewind. Kaya habang may oras pa, piliin ang umuwi nang ligtas.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page