top of page

Mga abusadong bus operator ngayong Holy Week, panagutin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 days ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | March 31, 2026



Boses by Ryan Sison


Dapat lang na mapanagot ang mga abusadong operator ng bus na tila sinasamantala ang pagkakataon, lalo na ngayong dagsa ang mga biyahero para sa Semana Santa. 


Sa halip na maging katuwang sa maayos at ligtas na pag-uwi ng mga pasahero, may ilan pang piniling magtaas ng pasahe nang walang pahintulot, bagay na malinaw na paglabag sa patakaran at kawalan ng malasakit sa kapwa Pinoy.


Ayon sa ulat, walong bus operator umano na bumiyahe patungong Bicol ang iniulat sa otoridad matapos umanong magpatupad ng hindi awtorisadong dagdag-singil. 


Sa gitna ng pagtaas ng presyo ng krudo at pagdami ng pasahero, tila may mga negosyanteng piniling gawing pagkakataon ang krisis upang kumita nang higit sa tama. 

Ang ganitong gawain ay hindi lamang ilegal kundi isang malinaw na anyo ng pananamantala.


Bagama’t patuloy ang pagbabantay, aminado itong limitado ang kanilang kapangyarihan sa pagpapatupad ng parusa. Ibig sabihin, nakasalalay pa rin sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang agarang aksyon upang masugpo ang ganitong kalakaran. 


Sa kabila nito, mahalaga ring kilalanin ang papel ng mga pasahero—ang agarang pag-uulat ng iregularidad ay isang hakbang upang mapigilan ang paglaganap ng pang-aabuso.


Hindi rin maikakaila na may mas malalim na ugat ang problemang ito. Ang patuloy na pagtaas ng gastusin sa operasyon ay tunay na hamon sa mga transport operator. Subalit hindi ito dapat maging dahilan upang balewalain ang batas at ipasa ang bigat sa ordinaryong mamamayan. 


May tamang proseso para sa fare adjustment, at ito ay dapat sundin upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng negosyo at serbisyo publiko.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page