Mental anguish na dulot ng pagtataksil ng asawa
- BULGAR

- 4 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 28, 2026

Dear Chief Acosta,
Habang nagtatrabaho ako sa Maynila, nasa probinsya naman ang mag-aama ko. May nakarating sa aking tsismis na nakikita ang asawa ko na may kasamang babae. Noong una ay binabalewala ko ito, hanggang sa nagtapat sa akin ang panganay kong anak na madalas umanong may kasa-kasamang babae ang kanilang tatay, at ipinakilala pa raw ito sa kanila bilang kaibigan lamang. Kung minsan, doon pa ito natutulog sa aming bahay. Sa loob ng sampung taon naming pagsasama, hindi ito ang unang pagkakataon na nambabae siya. Akala ko sanay na ako sa kanyang panloloko, ngunit napakasakit pa rin marinig ito mula sa aking anak. Maaari ba akong magsampa ng kasong karahasan sa kababaihan laban sa asawa ko kahit hindi ko personal na nasaksihan silang dalawa ng kanyang kabit? — Vee
Dear Vee,
May ilang mga anyo ng karahasan at pang-aabuso na maaaring gawin laban sa kababaihan at kanilang anak. Isa rito ay ang sikolohikal na karahasan (psychological violence) na tumutukoy sa mga gawa na nagdudulot o malamang na magdulot ng mental o emosyonal na pagdurusa sa biktima, tulad ng pananakot, panliligalig, pinsala sa ari-arian, pampublikong pangungutya o kahihiyan, paulit-ulit na pang-aabuso sa salita, at pagtataksil sa asawa.
Kaugnay nito, sa kasong XXX vs. People of the Philippines, G.R. No. 241390, 13 Enero 2021, sa panulat ni Honorable Associate Justice Edgardo L. Delos Santos, tinalakay ng ating Korte Suprema na para mapatunayan ang mental na paghihirap o pagdurusa, kinakailangang iharap ang patotoo ng biktima dahil personal ang karanasan sa kanya:
“At any rate, petitioner is correct that in order to establish mental anguish, the testimony of the victim must be presented as the experiences are personal to her.
While petitioner sorely attempts to downplay the effect of his marital infidelity, the pain and suffering of his wife is without a doubt real and raw and far from being imaginary. Just because the wife was not bodily present to witness the unfaithfulness of her husband, it does not negate the emotional pain and anguish his infidelity caused her. Worthy to mention also is the observation of the CA that Barangays x x x and x x x are proximately close and are situated within the town of x x x. Indeed, gossip easily spreads in small towns like x x x. All the more when the hot issue is about a husband bringing his mistress into the family home to live with his children. In this case, the mental anguish suffered by the wife is compounded by public ridicule and humiliation.”
Malinaw sa kasong nabanggit na hindi ikinakaila/binabalewala ng ating hukuman ang emosyonal na sakit at paghihirap na dulot ng pagtataksil dahil lamang sa hindi pisikal na naroroon ang asawang babae upang saksihan ang pagtataksil ng kanyang asawa. Kung gayon, kung mapapatunayan mo ang mental o emosyonal na sakit o dalamhati na naidulot sa iyo ng pagtataksil ng asawa mo at iba pang elemento ng nasabing krimen, maaari kang magsampa ng kasong Violence against Women and their Children (VAWC) sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9262 laban sa iyong asawa upang mapanagot siya sa kanyang maling gawa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments