top of page
Search
  • BULGAR

May ‘K’ sa 10 yrs. renewal ng driver’s license

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 19, 2022


Dear Chief Acosta,


Nakatakdang mag-renew ng lisensya sa pagmamaneho ng sasakyan ang aking kapatid. Mapapaso na kasi ang dati niyang lisensya next month, kung kaya naghahanda na siya sa pagkuha ng bagong lisensya. Sa kanyang paghahanda ay nakatanggap siya ng magkakaibang mga payo at detalye tungkol sa hangganan ng bisa ng kanyang magiging bagong lisensya. May mga nagsabi diumano kasi sa kanya na sampung taon na ang bisa ng mga bagong lisensya, habang may mga nagsabi naman na limang taon lang ang bisa nito. Nalilito kami kung gaano ba talaga katagal? Ito ba ay may kinalaman kung professional o non-professional ang uri ng lisensyang kinuha? Sa naaalala diumano kasi ng kapatid ko ay tatlong taon lang ang bisa ng lisensya. May batas ba na nagbibigay ng batayan ng hangganan ng bisa ng mga lisensya? - Sean

Dear Sean,


Bilang sagot sa iyong katanungan, tayo ay sasangguni sa Republic Act No. 10930 (RA 10930) na siyang batas na nagsasaayos at nagpapalakas ng panuntunan sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho. Kabilang sa mga nilalaman ng batas ay ang pagpapahaba ng hangganan ng bisa ng mga lisensya. Ipinasa ang batas bilang bahagi ng adhikain ng Estado sa pagtatatag ng mga alituntunin na magpapadali sa paglapit at pagsasaayos ng serbisyo ng gobyerno sa aspeto ng transportasyon. (Sec. 1)


Kaugnay sa iyong katanungan, binago ng batas ang probisyon ng lumang batas sa ilalim ng Sec. 23 ng Republic Act No 4136, na kilala bilang “Land Transportation and Traffic Code”, tungkol sa paglalabas ng mga bagong lisensya at hangganan ng bisa ng mga ito. Naglabas ang Kagawaran ng Transportasyon o Department of Transportation ng Implementing Rules and Regulation (IRR) ng RA 10930 na naglalaman ng pagbabago sa lumang batas para ihayag na:


“Section 6. Validity of Driver’s License. - Except for the student-driver’s permits, all drivers’ licenses shall be valid for five years reckoned from the birthdate of the licensee, unless sooner revoked or suspended. Provided, however, That subject to Section 26 of Republic Act No. 4136, as amended by Batas Pambansa Blg. 398, any holder of a professional or nonprofessional driver's license who has not committed any violation of Republic Act No.4 L36 and other traffic laws, rules and regulations shall be entitled to a renewal of such license for ten years.


Batay sa nabanggit na batas, pinalawig ang hangganan ng bisa ng lisensya para umabot sa sampu o limang taon mula sa buwan at araw ng kapanganakan ng aplikante, kumpara sa nakaraang tatlong taon lamang na bisa ng mga lisensya. Dagdag pa rito, nakasaad din sa batas na ang hangganan ay para sa lahat ng uri ng lisensya sa pagmamaneho, maging professional o non-professional man.


Ang batayan naman kung sampu o limang taon ang bisa ng lisensya ay batay sa kung mayroong tala ng paglabag ng batas pantrapiko ang may-ari ng lisensya. Sampung taon ang ibinibigay na taning ng bisa ng lisensya para sa mga walang tala ng paglabag, habang limang taon ang tagal ng bisa ng lisensya para sa mga may tala ng paglabag. (Ibid.) Mula rito, makikita na mas makikinabang ang mga walang paglabag sa batas trapiko sa pagkuha ng mas mahabang bisa ng lisensya, bilang kapalit na rin ito sa kanilang pagsunod sa batas-trapiko.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page