May “K” bumoto sa homeowners’ association kahit nangungupahan lang

Updated: Jan 9, 2021
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | January 4, 2021
Dear Chief Acosta,
May karapatan bang bumoto sa pagpili ng mga homeowners’ association officers ang taong nangungupahan lamang ng bahay sa loob ng subdivision? – Roan
Dear Roan,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong sitwasyon ay ang Section 6 ng Republic Act No. 9904, o mas kilala sa tawag na The Magna Carta for Homeowners and Homeowners’ Associations, kung saan nakasaad na:
“Section 6. Qualification of a Member. – A homeowner as defined under this Act shall be qualified to be a member of an association: Provided, however, That a lessee, usufructuary, or legal occupant shall have the right of a homeowner as set forth under this Act upon procurement of a written consent or authorization from the owner of the lot or housing unit.” (Binigyang-diin)Samakatwid, ang lessee o nangungupahan ng bahay ay maaaring gamitin ang karatapan ng homeowner sa isang homeowners’ association basta’t mayroon siyang written consent o authorization na manggagaling sa may-ari o owner ng bahay na kaniyang inuupahan. Ibig sabihin, may karapatan ang lessee o nangungupahan ng isang bahay na makilahok sa botohan ng homeowners’ association basta siya ay may written consent o authorization mula sa may-ari ng bahay na kaniyang nirerentahan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments