top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

May “K” ang pinagsanlaan na ibenta ang ari-arian ng nangutang bilang bayad ng halagang inutang

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 22, 2020
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 22, 2020



Sa mga pagkakataong ang nagsanla ng ari-arian ay hindi makabayad sa mga pagkakautang, ang ari-arian na kanyang iprenenda o garantiya ng kanyang pagkakautang ay maaaring ibenta ng taong pinagsanlaan upang gamitin ang pinagbentahan bilang bayad ng halaga ng inutang. Upang bigyang-kaayusan ang nasabing pagbebenta ng bagay na isinanla, ipinasa ng Korte Suprema para sundan ng lahat ng Clerks of Courts bilang mga itinalagang Ex-Officio Sheriff sa isang extra-judicial foreclosure of mortgage ang A.M. No. 99-10-05-0 Re: Procedure in Extrajudicial Foreclosure of Mortgage.


Ang extra-judicial foreclosure of mortgage ay paraan kung saan ang pinagsanlaan ng ari-arian, matapos na hindi makabayad ang nangutang ay ibebenta ang ari-ariang isinangla upang maging kabayaran ng halagang inutang.


Nakapaloob sa nasabing issuance ng Korte Suprema ang mga proseso na susundan ng bawat panig upang maging maayos ang pagbebenta ng mortgaged property. Kadalasan na gumagawa nito ay ang mga financing institutions at bangko.


Sang-ayon sa A.M. No. 99-10-05-0, ang lahat ng aplikasyon para sa extra-judicial foreclosure of mortgage ay kailangang masumite sa Executive Judge sa pamamagitan ng Office of the Clerk of Court ng Regional Trial Court na nagsisilbi bilang Ex-Officio Sheriff sa extra-judicial foreclosure of mortgage. Pagkatanggap ng nasabing aplikasyon, ang mga sumusunod ang prosesong dapat na maipatupad:


  1. Obligasyon ng Clerk of Court na tanggapin at ilagay sa docket ang nasabing aplikasyon at tatakan ito ng file number at ang oras at petsa ng nasabing araw ng aplikasyon;

  2. Pagkatapos na tanggapin ang nasabing aplikasyon, ang kaukulang filing fees ay babayaran ng naghain ng aplikasyon;

  3. Kapag ang ibebenta ay real property, tungkulin din ng Clerk of Court na suriin kung ang naghain ng aplikasyon ay sumunod sa mga requirements bago ang public auction ay maisagawa sa direksyon ng Sheriff of Notary Public alinsunod sa Seksyon 4 ng Act 3135 as amended;

  4. Ang Clerk of Court ay magsasagawa ng Certificate of Sale pagkatapos ng pag-sang-ayon ng Executive Judge o ng Vice-Executive Judge kung wala ang Executive Judge;

  5. Pagkatapos ng pagbigay ng Certificate of Sale sa pinakamataas na bidder, itatago ng Clerk of Court ang kompletong tala ng extra-judicial foreclosure sale habang hinihintay ang redemption period ng nagsangla sa loob ng isang taon mula sa araw nang nasabing sale at public auction;

  6. Ang lahat ng notices ng auction sale ay kinakailangang maipagbigay-alam sa publiko at mailathala sa newspaper of general circulation;

  7. Lahat ng aplikasyon para sa Extra-Judicial Foreclosure of Mortgage ay ira-raffle sa lahat ng Sheriff kasama ang mga nakatalaga sa Office of the Clerk of Court at Sheriff IV na nakatalaga sa mga branches ng Regional Trial Court;

  8. Ang auction sale ay lalahukan ng humigit-kumulang dalawang bidders at kung walang dalawang bidders ang auction sale ay ipagpapaliban sa ibang petsa. Sa susunod na petsang itinalaga para sa auction sale at wala pa rin dalawang bidders na lalahok sa nasabing bentahan ay itutuloy na ang nasabing pagbebenta;

  9. Ang mga pangalan ng bidders ay iuulat ng Sheriff o ng Notary Public na nagsagawa ng auction sale sa Clerk of Cout bago ang pagbibigay ng Certificate of Sale.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page