May “K” ang mga pamangkin na magmana sa ari-arian ng kanilang tiyahin

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 13, 2020
Dear Chief Acosta,
Namatay nang walang asawa at anak ang tita ko, at wala siyang iniwan na Last Will and Testament. Siya ay may dalawang kapatid, ang nanay ko na nauna nang yumao sa kanya, at ang isa pa niyang kapatid na lalaki. Ang kanilang mga magulang ay matagal na ring patay. Ayon sa tito ko, siya lamang ang tagapagmana dahil naunang namatay ang aking ina sa aking tiya. May karapatan ba kami ng aking isa pang kapatid sa mga naiwang ari-arian ng aming tita, kahit na mas nauna sa kanyang yumao ang aming ina? – Cirila
Dear Cirila,
Ang batas na sasaklaw tungkol sa inyong katanungan ay ang Republic Act No. 386 o mas kilala bilang Civil Code of the Philippines. Nakasaad sa Articles 1003 at 1005 ng nasabing batas:
“Article 1003. If there are no descendants, ascendants, illegitimate children, or a surviving spouse, the collateral relatives shall succeed to the entire estate of the deceased in accordance with the following articles.
xxx xxx xxx
Article 1005. Should brothers and sisters survive together with nephews and nieces, who are the children of the descendant's brothers and sisters of the full blood, the former shall inherit per capita, and the latter per stirpes.”Ayon sa mga nabanggit na probisyon ng batas, na siya ring pinaliwanag ng Korte Suprema sa kaso ng Bongalon vs. Court of Appeals (G.R. No. 142441, November 10, 2004, na isinulat ni Honorable former Associate Justice Antonio T. Carpio, kung ang inyong tiya na namatay na walang asawa, anak, at mga magulang na siyang magmamana sa kanyang mga naiwang ari-arian, at kung ang naiwan lamang ay ang kanyang kapatid at mga pamangkin, ang nasabing kapatid at pamangkin ang magiging tagapag-mana. Nakasaad din sa nabanggit na batas na ang iyong tiyo, bilang kapatid ng yumao, ay magmamana “per capita” at kayong dalawang magkapatid ay magmamana “per stirpes” o bilang kinatawan ng inyong ina na naunang yumao. Samakatwid, ang inyong tiyo ay may karapatan sa kalahati ng ari-arian ng inyong tiya, at kayong magkapatid ay maghahati sa natitirang kalahati.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments