May “K” ang drayber na pababain ang pasaherong ayaw mag-seat belt
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 23, 2021
Dear Chief Acosta,
Ako ay pasaherong nakaupo sa harapan ng pampublikong sasakyan nang sabihan ako ng drayber nito na magsuot ng seat belt. Nahuli diumano siya dati dahil hindi nakasuot ang kanyang seat belt kaya napilitan akong magsuot nito kahit ayoko.
Sapilitan ba talaga na magsuot ng seat belt sa pampublikong sasakyan? – Isaac
Dear Isaac,
Ang sagot sa inyong katanungan ay matatagpuan sa Section 4 ng Republic Act No 8750 o mas kilala sa tawag na “Seat Belts Use Act of 1999” kung saan nakasaad na:
“Section 4. Mandatory Use of Seat Belts. – For their own safety, the driver and front seat passenger of a public or private motor vehicle are required to wear or use their seat belt devices while inside a vehicle of running engine on any road or thoroughfare:
Provided, that for private vehicles, except for jeeps, jeepneys, vans and buses and such other private vehicles as may be determined in the Implementing Rules and Regulations (IRR), front and back seat passengers are likewise required to use their seat belt devices at all times.
In the case of public motor vehicles, the driver shall be required to immediately inform and require the front seat passengers upon boarding a vehicle of running engine to wear the prescribed seat belts. Any passenger who refuses to wear seat belts shall not be allowed to continue his/her trip. xxx”
(Binigyang-diin)
Malinaw na nakasaad sa ating batas na sapilitan ang pagsuot ng seat belt kung kayo ay pasahero. Oobligahin ng drayber ang bawat pasaherong nakaupo sa harapan ng pampublikong sasakyan na magsuot ng seat belt at ang sinumang pasahero na tutol dito ay hindi papayagang magpatuloy pa sa kanyang biyahe.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments