May “K” ang aplikante na tumanggi sa loan ng recruitment agency
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | January 19, 2021
Dear Chief Acosta,
Pumunta ako sa land based overseas recruitment agency para maghanap ng trabaho sa ibang bansa. Subalit, ipinaalam sa akin na mayroon silang alituntunin na nararapat lang akong kumuha ng loan sa kanilang napiling partner company. May batas ba tungkol dito? – Carolina
Dear Carolina,
Ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 3 (b), Rule IV ng Implementing Rules ng R.A. 10022, kung saan nakasaad ang sumusunod:
“Sec. 3. Other Prohibited Acts.
In addition to the acts enumerated above, it shall also be unlawful for any person or entity to commit the following prohibited acts: xxx
b. Impose a compulsory and exclusive arrangement whereby an OFW is required to avail of a loan only from specifically designated institutions, entities, or persons;”
Ayon sa nasabing batas, kasama sa “other prohibited acts” ang pagpataw ng sapilitan at eksklusibong alituntunin kung saan ang overseas Filipino worker (OFW) ay kinakailangan at sapilitang kumuha ng loan sa mga piling institusyon, entity, o tao lamang. Sa inyong sitwasyon, malinaw na hindi nararapat na kayo ay piliting kumuha ng loan sa partner company ng inyong recruitment agency at wala na kayong puwedeng pagpilian pang ibang pautangan o kukunan ng inyong loan. Isa itong “prohibited act” na pinagbabawal ng Migrant Workers Act at ng Implementing Rules nito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments