top of page
Robin Padilla - Senate PH 2.jpg

Mas pinatibay na proteksyon para sa OFW sa panahon ng krisis

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 24
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 24, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Sa gitna ng sunud-sunod na balitang mabigat para sa ating mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa, dapat lagi nating isipin kung gaano kalaki ang sakripisyo ng bawat overseas Filipino worker (OFW).


Kamakailan, kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagkamatay ng dalawang OFW sa Beirut, Lebanon noong April 15, matapos silang barilin ng kanilang employer sa isang hostage situation. Naaresto na ang suspek at kasalukuyang inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.


Ilang buwan pa lang ang nakalipas, nasawi naman sa Israel matapos tamaan ng missile habang inaalagaan ang kanyang pasyente, ang Filipina caregiver na si Mary Ann de Vera. Malinaw na may mga panganib na kinakaharap ang ating mga OFW na hindi natin pwedeng balewalain.


Masakit ang ganitong mga balita. Ang mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa ay nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya habang itinataguyod ang ekonomiya ng Pilipinas. Mas nanaisin nga nilang hindi mapalayo sa kanilang pamilya, ngunit kailangan nilang magtrabaho para sa kanilang mga mahal sa buhay.


Bilang inyong senador, mahalaga sa akin na nabibigyan ng prayoridad ang kapakanan ng ating mga kababayan na nasa ibang bansa. Lagi kong isinusulong ang mas maigting na koordinasyon ng ating mga ahensya at ang pakikipagtulungan sa mga bansang pinagtatrabahuhan ng ating OFWs.


Dapat ay nakahanda ang gobyerno na tumulong sa OFWs anumang oras, nasaan man sila. Dapat ay bukas hanggang extended hours kung may krisis ang mga opisina ng Department of Foreign Affairs, DMW, at iba pang concerned agencies para sa ating mga kapwa Pilipino na walang ibang matatakbuhan kundi ang gobyerno.


At kung may mangyari mang hindi inaasahan, hindi dapat napapabayaan ang mga pamilyang naiwan. Importante ang tuluy-tuloy na tulong—mula sa pag-uwi ng mga labi hanggang sa pangmatagalang suporta para makabangon ang mga naulila. Kabilang dito ang financial assistance, psychosocial services, at iba pang kinakailangang suporta para hindi sila tuluyang mawasak ng trahedyang ito.


Bilang mambabatas, isa ako sa mga may akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11641 na lumikha sa DMW, upang mas maging maayos at coordinated ang pagbibigay ng serbisyo at proteksyon sa ating mga manggagawa sa abroad. Pinagsama-sama nito ang mga programa ng pamahalaan para mas mabilis at mas epektibong makatugon sa kanilang pangangailangan.


Ngayong panahon ng krisis sa Middle East at West Asia, lalong mahalaga na ipadama natin ang malasakit para sa bawat Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibang bayan para sa kanilang pamilya.


Samantala, noong April 19, inimbitahan ako bilang Special Guest of Honor sa Awarding Ceremony ng Junior World Team Championship 2026 – Junior Golf Foundation of the Philippines na ginanap sa Apo Golf and Country Club sa Davao City. Bilang Chairperson ng Senate Committee on Sports, nananatili akong nakatuon sa pagsuporta sa mga programang nagpapalakas ng sports development sa ating bansa. Patuloy din nating isinusulong ang mga inisyatiba na magbibigay ng mas maraming oportunidad at access para sa ating mga atletang Pilipino, lalo na sa grassroots level.


Kasabay nito, nananatili rin tayong nakatuon sa pagtataguyod ng edukasyon at pangkalahatang kapakanan ng ating mga kabataan. Bilang Chairperson ng Senate Committee on Youth, noong April 15 at 17, naghatid tayo ng tulong sa 1,837 indigent na mga estudyante sa Rizal. Ang mga estudyanteng ito ay mula sa Tanay, Jalajala, Baras, Cardona, Morong, Pililla, Antipolo City, Angono, Teresa, Binangonan, Cainta, Taytay, San Mateo, at Rodriguez.


Nitong nakaraang linggo naman, nagpaabot ang ating team ng tulong sa ating mga kababayang nangangailangan sa pamamagitan ng agarang pag-assist sa mga biktima ng sunog sa Talisay City, Cebu; Caloocan City; Pasig City; Cebu City; Calamba City at San Pedro City, Laguna; Tubungan, Iloilo; at Bacolod City.


Nagbigay rin tayo ng karagdagang tulong sa mga biktima ng sunog at malakas na hangin sa Jose Abad Santos, Davao Occidental upang makatulong sa kanilang pagbangon at muling pagbuo ng kanilang mga tahanan.


Sa Davao Oriental, natulungan din ng ating team ang mga indigent na residente mula sa Mati City at San Isidro. Namahagi rin tayo ng karagdagang assistance sa mga graduates ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Kawit, Cavite.Nagpaabot din ng tulong ang team sa mga pamilya ng mga biktima sa Marilog matapos ang pagbangga ng isang truck sa isang covered court sa Davao City.


Makakaasa kayo na patuloy kong susuportahan ang kapakanan ng ating mga OFWs sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.



Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page