top of page

Mas maraming guro, mas may direksyon ang edukasyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 7, 2025
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | December 7, 2025



Boses by Ryan Sison


Matagal nang sumisigaw ang sektor ng edukasyon para sa dagdag na guro, pero ngayon lang seryosong gumawa ng hakbang ang pamahalaan. 


Hindi ito simpleng recruitment drive, ito ang pinakamalaking pagtatangka ng Department of Education (DepEd) na punan ang kakulangan sa teaching force at isaayos ang sitwasyon sa loob ng mga silid-aralan na matagal nang masikip, mainit, at puno ng batang sabay-sabay humihingi ng gabay ng mga guro. 


Kaya naman inihayag ng DepEd ang plano nitong kumuha ng halos 33,000 Teacher I positions, kasama ang 6,000 School Principal I at 10,000 School Counselor Associate I sa 2026. Ito ay isang pakinabang para sa libu-libong pamilya na umaasang may trabaho at magtutulak sa kanila sa mas maayos na buhay. Ang pagtuturo ay hindi lang propesyon, dahil ito ay puso at pundasyon ng sektor ng edukasyon, maging sa Lipunan. 


Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, ang karagdagang manpower ay magpapagaan sa trabaho ng mga guro at magpapababa ng classroom congestion. Ito ay siguradong ramdam ng masa, dahil kung mas kaunti ang estudyante kada guro, mas malinaw ang pagtuturo, mas may oras para ituwid ang hirap sa aralin, at mas nagtatagal ang kanilang pagkatuto. Kasabay nito, pinalalakas din ang mental health support sa mga paaralan.


Sa panahong laganap ang bullying at stress sa kabataan, malaking hakbang ang pagkakaroon ng 10,000 guidance counselors. 


Hindi rin nakakalimot ang DepEd sa administrative burden na pasanin ng mga guro kaya isasama sa hiring ang 11,268 Administrative Officer II at 5,000 Project Development Officer I. Ang dating sobrang papel at reports ng mga guro, ipapasa na sa tamang tao. Ganyan dapat! 


Malaki ang badyet na P1.044 trilyon para sa 2026, pero mas malaki ang balik nito sa masa. Kapag mas marami ang guro, mas may direksyon ang edukasyon. Kapag mas maraming batang natuto, mas malakas ang susunod na henerasyon. 


Tama lang na bigyan ng trabaho ang ating mga guro dahil sila ang pundasyon ng kinabukasan ng bawat pamilyang Pinoy. Isipin din natin na ang pondo ay hindi gastos, ito ang puhunan sa pagbangon ng bansa. Ito ay pangmatagalang benepisyo na hindi kayang tumbasan ng kahit anong imprastraktura. Kapag guro ang sinuportahan, buong bayan ang aangat.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page