top of page

Mas makatarungan at malinaw na tulong para sa solo parents, tiyakin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | February 21, 2026



Boses by Ryan Sison


Mas magaan na ang buhay ng publiko dahil sa pinalawak na Solo Parents Welfare Act, na nagbibigay ng suporta at sandigan sa mga solo parent. Gayunpaman, hindi lahat ay awtomatikong kwalipikado.


Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang tulong ng pamahalaan ay may malinaw na pamantayan at hangganan. Layunin nito na masiguro na ang benepisyo ay napupunta sa mga tunay na nangangailangan.


Pinapaliwanag ng Republic Act No. 11861 o Expanded Solo Parents Welfare Act of 2022 ang mas malawak na depinisyon ng solo parent at saklaw ng tulong. Mahalaga pa rin ang eksklusibong pangangalaga at suporta sa anak. Ibig sabihin, ang magulang na may aktibong co-parenting arrangement o patuloy na suportang pinansyal at pisikal mula sa dating asawa ay maaaring hindi ituring na solo parent sa ilalim ng batas—isang probisyong madalas hindi nauunawaan ng marami.


Batay sa datos ng DSWD, may 260,934 na rehistradong solo parents sa buong bansa, at 291 lokal na pamahalaan ang nagbibigay ng buwanang subsidiya. Nilinaw ng ahensya na maaaring mawalan ng kwalipikasyon ang isang solo parent kapag nagbago ang kanyang kalagayan, dahilan kung bakit taunang nire-renew ang Solo Parent

Identification Card (SPIC). Ang LGU, katuwang ang social workers, ang nagsasagawa ng beripikasyon upang mapanatili ang integridad ng programa.


Pinahahalagahan din ng batas ang iba’t ibang anyo ng pamilya. Saklaw na ngayon ang legal guardians, adoptive at foster parents, pati mga kamag-anak hanggang ikaapat na antas ng konsanguinidad na umaako ng responsibilidad sa bata. Kasama rin ang mga may asawang overseas Filipino worker na mababa ang kita. Pinalawak din ang saklaw ng dependents mula 18 hanggang 22 taong gulang, alinsunod sa K–12 ng Department of Education (DepEd), basta nakatira sa solo parent, walang asawa, walang trabaho, at nag-aaral.


Para sa mga solo parent na kumikita ng katumbas o mas mababa sa regional minimum wage, may karagdagang benepisyo tulad ng posibleng ₱1,000 buwanang subsidiya depende sa LGU, 10% diskwento at VAT exemption sa piling bilihin at medical supplies para sa may anak na anim na taong gulang pababa, buong PhilHealth premium coverage, at prayoridad sa pabahay ng gobyerno.


Kasama sa proseso ng aplikasyon ang orientation, assessment, at beripikasyon sa LGU. Kasalukuyan ding tinatapos ng DSWD ang unified ID system, na nasa pilot testing na sa ilang lugar at target na ipatupad sa buong bansa sa susunod na mga quarter ng 2026.

Ang RA 11861 ay patunay na unti-unting kinikilala ng estado ang bigat na pasan ng mga solo parent. Ngunit kaakibat ng kalinga ang disiplina at malinaw na pamantayan. Kapag tama ang implementasyon, nagiging makatarungan ang pagtulong—hindi lang basta ayuda, kundi tunay na sandigan ng pamilyang Pilipino. Ang batas ay hindi pangako lamang; ito ay paanyaya sa responsableng paggamit ng suporta ng gobyerno.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page