top of page

Mas mahigpit na regulasyon kontra-ilegal na sigarilyo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 26
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | February 26, 2026



Boses by Ryan Sison


Dapat palakasin ang kampanya laban sa smuggled at ilegal na sigarilyo dahil bawat pakete nito ay may panganib hindi lamang sa mamimili kundi sa buong bansa. Hindi ito simpleng usapin ng bentahan sa sari-sari store; ito ay laban para sa maayos na kabuhayan at integridad ng lokal na ekonomiya.


Bilang tugon sa lumalalang bentahan ng smuggled cigarettes, paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang information drive sa buong bansa. Inatasan ng PNP Chief ang lahat ng hepe ng pulisya na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at opisyal ng barangay upang palawakin ang kaalaman ng mga tindero at mamimili. Layunin nitong ipaliwanag na ang pagbebenta ng ilegal na sigarilyo ay hindi lehitimong hanapbuhay, kundi bahagi ng supply chain ng sindikatong sumisira sa ekonomiya.


Kasama sa kampanya ang malinaw na pagtukoy sa mga brand ng smuggled at illicitly manufactured cigarettes upang magsilbing gabay sa mga sari-sari store at publiko. Mahalaga ito dahil kadalasang nadadaya ang maliliit na negosyante sa murang alok, na posibleng humantong sa kasong kriminal at pagkalugi.


Kasabay nito, nagbabala rin ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na maglulunsad ng mas mahigpit na operasyon laban sa economic saboteurs. Ayon sa isang opisyal, magsasagawa ng raid sa pampublikong pamilihan at maliliit na retailer. Binigyan ng isang linggong palugit ang mga nagbebenta upang itigil ang distribusyon at maubos ang paninda bago ipatupad ang mas istriktong hakbang. Malinaw din ang paalala na ang economic sabotage ay may mabigat na parusa at walang piyansa.


Hinihikayat ng PNP ang publiko, lalo na ang mga may-ari ng sari-sari store, na makipagtulungan at magsumbong ng anumang impormasyon tungkol sa bentahan ng smuggled sigarilyo. Ang kooperasyon ng komunidad ang susi upang maputol ang ugat ng ilegal na kalakalan.


Ang laban kontra-smuggling ay laban para sa patas na kabuhayan. Kapag pinayagan ang ilegal na produkto, talo ang buwis na sana’y napupunta sa serbisyong panlipunan, talo ang lehitimong negosyante, at talo ang mamimili sa kaligtasan. Ang mas pinalakas na information drive ay hindi pananakot kundi paalala na ang kaunlaran ay nagsisimula sa tamang kaalaman at sama-samang aksyon. Sa disiplina at malasakit ng bawat isa, magiging ligtas ang komunidad at matatag ang ekonomiya.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page