Mas maagang paghahanda, mas malakas ang atleta

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 11, 2026

Patuloy nating suportahan at ipagdasal ang ating mga atletang Pilipino na buong-pusong lumalaban at itinataas ang ating bandila sa ongoing Asian Games sa Japan. Anuman ang resulta, saludo tayo sa kanilang sakripisyo, dedikasyon at pagmamahal sa bayan.
Naniniwala ako sa kakayahan ng mga Pilipinong manlalaro. Magagaling ang mga players natin at marami sa kanila ay professionals na matagal nang napatunayan ang kanilang kakayahang irepresenta ang bansa. Napakahalaga para sa kanila ang sapat na panahon upang makapag-training at makapaghanda para sa international competitions.
Nalungkot at nanghinayang ang buong bansa matapos ma-eliminate ang Gilas Pilipinas sa 2026 Asian Games, kung saan defending champion pa naman tayo sa men’s basketball. Bilang chairperson ng Senate Committee on Sports, mahalaga para sa akin na malaman kung ano ang nangyari, saan nagkulang ang programa, at kung paano natin ito maaayos.
Sa sesyon ng Senado, iminungkahi ko na magkaroon ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ng mas malaking pool ng mga manlalaro na maaaring pagpilian ng national team buong taon. Maaaring nasa humigit-kumulang 30 qualified players ang pool upang may sapat na pagpipilian kapag may international tournament.
Kung may player na hindi available dahil sa injury, professional commitments, eligibility requirements o conflict sa schedule, mayroon agad na ibang nakahandang pagpipilian. Hindi tayo dapat limitado sa iilang players lamang at saka pa bubuo ng team kapag malapit na ang torneo. Dapat mas mahaba at mas maaga ang preparation.
Isa rin sa mga nais nating pagtuunan ng pansin ay ang usapin tungkol sa naturalized players. Wala tayong naturalized player sa Asian Games kahit pa minadali natin noon ang pagpasa sa naturalization ng basketball pro na si Bennie Boatwright. Nagkaroon pa nga ng special session sa Senado para rito. Bilang mga senador, ginawa namin ang aming trabaho upang makatulong sa ating national team, kaya nais nating malaman kung bakit hindi nakalaro si Boatwright.
Isang malaking inspirasyon naman, hindi lamang sa mga atleta kundi sa buong bansa, ang ipinakitang patriotism ni Filipina tennis champion Alex Eala. Pinili niyang katawanin ang Pilipinas sa 2026 Asian Games kahit may conflict ito sa kaniyang professional schedule sa Women’s Tennis Association (WTA) para sa China Open sa Beijing.
Dahil kabilang si Alex sa top tennis players sa buong mundo, kailangan niyang lumahok sa WTA tournament o posibleng maharap sa penalties at multa dahil sa nakatakda niyang paglahok sa Asian Games.
Para sa akin, hindi dapat maparusahan ang isang atleta dahil pinili niyang katawanin ang ating bandila at bansa. Pag-aaralan natin ang posibilidad na maghain ng panukalang batas na tutulong sa mga eligible Filipino athletes na gustong mag-try out, mag-training at lumahok para sa national team kapag tinawag silang katawanin ang bansa.
Ang pagrepresenta sa bansa ay isang malaking karangalan at responsibilidad. Bihira lamang ang pagkakataong ito kaya dapat unahin ang interes ng bayan at ng ating kapwa Pilipino sa larangan ng sports.
Samantala, tuloy pa rin ang paghahatid natin serbisyo at tulong sa ating mga kababayan. Noong September 10, personal tayong nagtungo sa Pasay City upang magbigay ng tulong sa 29 na biktima ng sunog, katuwang sina Mayor Emi Calixto at Barangay Captain Virgilio Mabag. Doon, sinuportahan din natin ang mga lokal na nagtitinda ng kwek-kwek, turon, banana cue at carioca. Gaya ng lagi kong paalala sa ating mga kababayan, tangkilikin natin ang sariling atin!
Noong September 11 naman, dumalo tayo sa inauguration at turnover ng Super Health Center sa Maramag, Bukidnon, kasama sina Mayor Atty. Jose Doromal, Vice Mayor John Lester "Jan-Jan" Tan-Malack Tan, at iba pang mga lokal na opisyal. Nagbigay rin tayo ng tulong sa ating mga barangay health workers na mahalagang katuwang sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.
Kinabukasan, September 12, nagtungo tayo sa aking hometown sa Lupon, Davao Oriental upang dumalo sa blessing ng mga bagong bleachers, basketball ring at shot clock ng gym. Pagkatapos nito, dumiretso tayo sa Mati City kung saan tinulungan natin ang 600 indigent residents mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang persons with disabilities, farmers, at mga miyembro ng tricycle operators and drivers' association.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Sports, dumalo rin tayo sa Mati City Basketball League Inter-Barangay 2026, kasama si Councilor Paolo Rabat, ang founder ng liga. Patuloy kong sinusuportahan ang mga programang nagbibigay ng pagkakataon sa ating mga kabataan at atleta na mahasa ang kanilang kakayahan sa sports.
Matapos ang mahabang araw sa Davao Oriental, bumalik tayo sa Davao City upang makiisa sa Davao Sportswriters Association Inc. Davao Sports Heroes Night. Dito, kinilala ang mga rising stars sa sports bilang bahagi ng ating hangaring palakasin ang grassroots sports development.
Nagpapasalamat ako sa DSA, sa pangunguna ni President Jon Develos, gayundin kay Leonard Paul Palo ng Southern Sports Digest, sa patuloy nilang pagsuporta sa ating mga atleta at sports programs.
Samantala, noong nakaraang linggo, patuloy din ang ating Malasakit Team sa pag-abot sa mga kababayan nating nangangailangan. Agad silang nagbigay ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Surigao City, Butuan City, Cagayan de Oro City, Roxas City, at Hermosa, Bataan.
Dahil sa masamang panahon na tumama sa iba’t ibang bahagi ng bansa, naghatid din ng tulong ang ating Malasakit Team sa mga naapektuhan ng bagyo sa mga bayan ng Mexico, San Luis, Minalin, Sto. Tomas, Guagua, Sasmuan at Macabebe sa Pampanga, gayundin sa Botolan, Cabangan at Subic sa Zambales.
Nagbigay rin ang ating tanggapan ng tulong sa mga scholars mula sa Malabon City; Ipil, Zamboanga Sibugay; at Molave, Zamboanga del Sur.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments