Marcos, pabida… Generators set, dapat ipadala sa mga liblib na lugar sa ‘Pinas na walang kuryente, hindi sa Ukraine
- BULGAR

- 5 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 4, 2026

PANG-O-OKRAY NI COMEDIAN LEO MARTINEZ KAY PBBM, KUNG NAIS DAW TUMAAS ANG KANYANG RATING, TUPARIN ANG PROMISE NA PAGPAPAKULONG SA MGA SEN. AT CONG. NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL – Inokray ng komedyanteng si Leo Martinez ang patuloy na pagbaba ng rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa mga survey.
Ayon sa komedyante, hindi umano tataas ang rating ng pangulo hangga’t wala siyang naipapakulong na mga incumbent senator at kongresista na sinasabing sangkot sa flood control scandal.
Giit pa ni Martinez, kung nais ng pangulo na mapabuti ang kanyang survey ratings, dapat nitong tuparin ang nauna nitong pahayag na pananagutin ang mga opisyal ng gobyerno na may kinalaman sa nasabing isyu. Period!
XXX
PARA MANIWALA ANG TAUMBAYAN NA HAHARAP SI VP SARA SA IMPEACHMENT, DAPAT IATRAS NA NIYA ANG PETISYON NIYA SA SC – Hindi kapani-paniwala ang pahayag ni Atty. Michael Poa, abogado ni Vice President Sara Duterte, na haharap umano ang bise presidente sa mga alegasyon laban sa kanya kapag naisampa na sa Senado ang Articles of Impeachment. Ayon sa kanya, may nakabinbing petisyon sa Korte Suprema (SC) na kumukuwestiyon sa legalidad ng impeachment proceedings na isinagawa ng House Justice Committee.
Dahil dito, maaari umanong gamitin ng kampo ng bise presidente ang argumento na dapat munang hintayin ang desisyon ng SC bago siya humarap sa impeachment court.
Gayunman, kung nais ng kampo ni VP Sara na kumbinsihin ang publiko na handa siyang harapin ang proseso ng impeachment, mas mainam na aksyon ang pag-atras sa nasabing petisyon sa Korte Suprema. Boom!
XXX
MAHINA ANG INTEL NETWORK NINA MAYOR VICO, COL. MANGALDAN AT GEN. LAGRADANTE – Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na matagal na umanong nag-o-operate sa Pasig City ang gusaling pag-aari at nakapangalan sa mag-ina ni dating Cong. Mike Defensor. Ayon sa ulat, sa nasabing establisimyento umano matatagpuan ang isang bahay-aliwan na ginagamit bilang front ng prostitusyon, at may ilang silid din na sinasabing ginagawang drug den.
Kung matagal na ngang nag-o-operate ang naturang ilegal na aktibidad, ang tanong: bakit hindi ito na-monitor ng lokal na pamahalaan ng Pasig, pati na rin ng mga otoridad sa pulisya sa lungsod at sa Eastern Police District?
Dahil dito, lumalabas ang tanong kung naging sapat ba ang pagbabantay at intelligence monitoring ng mga kinauukulang ahensya sa kanilang hurisdiksyon, o kung may mga puwang sa kanilang pagbabantay kaya ito nagpatuloy nang matagal. Mabuti na lamang at naaksiyunan ito ng NBI, dahilan upang mapahinto ang umano’y ilegal na gawain sa naturang lugar. Period!
XXX
SABLAY ANG PABIDA NG MARCOS ADMIN NA PAGDO-DONATE NG MGA GENERATORTS SETS SA UKRAINE – Sablay ang ibinida ng Department of Foreign Affairs (DFA) na magdo-donate ang Marcos administration ng 40 generator sets sa Ukraine upang makatulong sa mga lugar na nawalan ng kuryente dahil sa giyera sa Russia.
Kuwestiyonable ito para sa ilan dahil marami pa ring liblib na lugar sa Pilipinas ang walang maayos na suplay ng kuryente. Para sa kanila, mas makabubuting ang mga generator set na ito ay maipamahagi muna sa mga lokal na komunidad sa bansa na hanggang ngayon ay hirap sa kuryente, kaysa ipadala sa ibang bansa. Boom!




Comments