top of page

Marcoleta vs Lacson, lalong uminit dahil sa isyu ng oil companies at kickback!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 days ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 30, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KAHIT PANAHON NG KRISIS, NON-STOP PA RIN BANGAYAN NG MGA DDS AT LOYALISTA – Banat ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) laban sa Marcos administration ay may krisis na raw ang bansa, ngunit impeachment naman umano ang inaatupag ng mga kaalyado nito sa Kamara. Sagot naman ng mga loyalista, may krisis na nga raw, ngunit pamumulitika pa rin umano ang ginagawa ng kampo ni Vice President Sara Duterte.


Ayon sa magkabilang panig, patuloy ang batuhan ng akusasyon habang kapwa inaakusahan ang isa’t isa ng pamumulitika, sa kabila ng mga isyu tulad ng krisis sa langis na dulot ng digmaan sa Middle East. Sa halip na magtulungan, tuloy ang bangayan sa social media. Boom!


XXX


KAPAG KINATIGAN NA NAMAN NG SC ANG HIRIT NG KAMPO NI VP SARA NA IDEKLARANG UNCONSTITUTIONAL ANG IMPEACHMENT PROCEEDINGS NG HOUSE JUSTICE COMMITTEE, BAKA MABUWISIT ANG KAMARA AT PATI SILA AY IPA-IMPEACH RIN – Dapat maging maingat ngayon ang Supreme Court (SC) sa gagawin nitong desisyon sa petisyon ng mga abogadong kaalyado ni VP Sara, na humihiling na ideklarang unconstitutional ang impeachment proceedings na isinasagawa ng House Justice Committee laban sa bise presidente.


Kapag kinatigan ng SC ang hirit ng kampo ni VP Sara na ideklarang unconstitutional ang naturang impeachment proceedings, maaari umanong mauwi ito sa panibagong tensyon sa pagitan ng mga institusyon ng pamahalaan, kabilang ang posibleng reaksyon ng Kamara laban sa mga mahistrado. Period!


XXX


PARANG WALANG KUWENTA ANG STATE OF NATIONAL ENERGY EMERGENCY KASI HANGGANG NGAYON, UBOD PA RIN NG TAAS NG PRESYO ANG LANGIS – Noong March 24, 2026, nagdeklara si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ng State of National Energy Emergency. Inakala ng maraming mamamayan na ito ay hakbang ng administrasyon upang mapababa ang presyo ng langis, ngunit hanggang ngayon ay nananatiling mataas ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Dahil hindi pa rin nararamdaman ang pagbaba ng presyo ng langis, kinukuwestiyon ng ilan ang naging epekto ng deklarasyon ng State of National Energy Emergency ng administrasyon. Boom!


XXX


MAS TITINDI PA ANG BANGAYANG SEN. MARCOLETA AT SEN. LACSON – Dahil sa duda ni Sen. Rodante Marcoleta na sinasamantala ng mga oil companies ang pagtaas ng presyo ng langis sa gitna ng krisis, inihalintulad niya ang bilyon-bilyong pisong kinikita ng mga ito sa umano’y malalaking halagang sangkot sa mga kickback na binanggit kaugnay ng 18 ex-marines na umano’y naghatid ng pera sa ilang kongresista at opisyal ng Marcos administration.


Kaagad itong kinontra ni Sen. Ping Lacson at iginiit na hindi dapat isingit sa pagdinig tungkol sa krisis sa langis ang isyu ng 18 ex-marines at umano’y kickback sa flood control projects.


Matagal nang nagkakaroon ng bangayan sina Sen. Lacson at Sen. Marcoleta, at dahil muli silang nagkakontra sa isyung ito, inaasahang mas paiigting pa ang kanilang palitan ng pahayag sa mga susunod na pagdinig. Abangan!



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page